ISA si Senadora Grace Poe sa mga mambabatas na pirming nakatuon ang isang tenga sa mga pangkaraniwan kung hindi man mahihirap na mamamayan.
Pinagsabihan ng Senadora ang Department of Foreign Affairs (DFA) na huwag magtaas ng singil sa passport sa loob ng 10 taon.
At maaari umanong mangyari ito kung lalagyan ng provision sa inihaing proposal ng DFA na umaabot sa P19.56 bilyon badyet para sa 2018, na hindi magtataas ng singil o bayad sa passport.
Ang concern ng Senadora, hindi lahat ng Filipino ay jetsetter at marami sa nangangailangan ng passport ay overseas Filipino workers (OFWs).
Alam ba ninyong sa proposed budget na ‘yan ng DFA, ang P3.1 bilyon diyan ay ilalaan sa pagbili ng passport booklet sa 2018?!
Mantakin ninyo kung ‘yang P3.1 bilyones na ‘yan ay tanging ang sub-contractor ng APO na UGEC ang nakikinabang? Imbes bumabalik sa gobyerno ang pondong ‘yan gaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na dating namamahala sa pag-iimprenta ng mga passport, e napupunta pa sa isang kompanya na ang pagkakaalam natin e walang puhunan.
Maliwanag na panggigisa ‘yan sa sariling mantika. Kaya bukod sa pagsusulong na huwag itaas ang presyo ng passport, dapat din busisiin ng Senado kung bakit nanatili sa UGEC ang pag-iimprenta ng mga pasaporte.
Sudsurin pa po ninyo, Madam Senator Grace Poe!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap