AMINADO ang Palasyo na ang pagbagsak ng popularidad ni Pangulong Rodrigo Duterte ay bunga ng pagpatay ng mga pulis sa tatlong kabataang iniugnay sa illegal drugs.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, ang pinakahuling resulta ng Social Weather Station (SWS) survey ay repleksiyon ng sentimyento ng publiko sa sunod-sunod na pagpatay kina Kian delos Santos, Carl Arnaiz at Reynaldo de Guzman ng mga pulis-Caloocan kamakailan.
“Various sectors of society, including the President, were outraged by what they perceived to be an unjustified killing by police officers. The latest survey is a reflection of that sentiment,” ani Pa-nelo sa isang kalatas.
Hindi aniya kinokonsinti ng Pangulo ang mga abusadong pulis kaya agad na pinasibak sa puwesto, ipinakulong at sinampahan ng kaso.
Giit ni Panelo, hindi nababahala ang Pangulo sa pagbaba ng kanyang popularidad at patuloy na isusulong ang drug war.
(ROSE NOVENARIO)