INIHAYAG ni Armed Forces chief General Eduardo Año nitong Linggo, ang 17 sibilyan na nasagip sa Marawi City nitong nakaraang linggo, ay nakatakda na sanang pugutan ng Maute group.
“Tamang-tama iyong timing ng pag-rescue natin dito kasi they were about to be beheaded,” ayon kay Año.
Aniya, ang pagsusumikap na masagip ang iba pang mga bihag ay patuloy habang determinado ang mga tropa na tapusin ang krisis sa Marawi City bago matapos ang Oktubre.
Sinabi niyang ang mga tropa ay muling nakikipag-ugnayan sa nalalabing mga sibilyan sa loob ng battle zone.
Nitong nakaraang Linggo, nakalapit ang mga tropa sa nalalabing sibilyan na bihag sa loob ng battle zone.
“When the troops were about to rescue the remaining hostages, biglang nawala ‘yung white flag so that means nag-reposition ‘yung kalaban… Ibig sabihin no’n they came very near to the hostages,” aniya.
Hindi niya sinabi kung ito ay nangyari noong masagip nila ang 17 sibilyan.
Ang 17 sibilyan, kabilang ang siyam lalaki at walong babae, may gulang na 18-75 anyos, ay nasagip nitong nakaraang Miyerkoles.
Sinabi ni Año, tinatayang mayroon pang 40 sibilyan ang bihag ng Maute group sa loob ng battle zone.