NILAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang Republic Act 10953 na nagpapaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan elections na dapat ay gaganapin ngayong 23 Oktubre 2017.
Imbes ngayong buwan ay sa ikalawang Lunes ng Mayo sa susunod na taon (2018) gagawin ang halalan. Ibig sabihin mananatili sa kanilang puwesto nang pitong buwan ang mga kasalukuyang barangay officials. Hindi sila papalitan gaya ng ninanais ng pangulo na mag-appoint ng mga barangay OICs.
Marahil ay walang pagsidlan ng tuwa ang mga kasalukuyang opisyal ng barangay at SK dahil una mapapalawig ang termino nila nang pitong buwan. Ibig sabihin pitong buwan pa rin silang susuweldo at magpapabibo sa kani-kanilang barangay; at pangalawa ay hindi sila papalitan gaya ng gusto ni Digong.
Sana naman sa pitong buwan na dagdag na terminong ibinigay sa kanila, ay magtino nang husto ang mga opisyal. Gawin ang kanilang mga trabaho nang tapat at manindigan na ang kanilang ginagawa ay hindi para pagsilbihan si mayor o politiko na naghahangad ng posisyon sa kani-kanilang lugar na nasasakupan.
Maigi na ring na-postpone ang eleksiyon dahil makikilatis nang husto ng kanilang constituents ang kani-kanilang barangay officials at makapag-iisip kung karapat-dapat ba silang maihalal pa.