LUTAS na ng Quezon City Police District (QCPD) ang panloloob ng Termite gang sa China Bank Fairview Branch nitong 2 Oktubre makaraang madakip ang limang miyembro ng grupo sa follow-up operation sa Cubao ng nasabing lungsod.
Sa pulong balitaan, iniharap ni QCPD director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang mga suspek na sina Jordan Duldulao, 29; Gilbert Bautista, 26; Allyson Aligan, 23; Gearldine Bawas, 25, at Ambrose Rex Layao, 28-anyos.
Ayon kay Supt. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nadakip ang mga suspek nitong 3 Oktubre sa magkahiwalay na operasyon sa New York St., Cubao at sa Brgy. Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan.
Sinabi ni Sr. Insp. Allan Dela Cruz, hepe ng CIDU Theft and Robbery Section, nitong 3 Oktubre, nakatanggap sila ng impormasyon na ang grupong nanloob sa China Bank ay nakatakdang pasukin ang isang sangay ng Banco De Oro sa kanto ng New York St., at EDSA, Cubao.
Itinimbre ng impormante na ang sasakyang gamit ng mga suspek ay isang Mitsubishi Montero (AHN 858) dahilan u-pang agad magposte ng mga tauhan si Marcelo sa New York St.
Dakong 6:00 pm, namataan ng grupo ni Dela Cruz ang Montero at bumaba si Aligan saka sinukat kung ilang hakbang ang BDO mula sa kanto ng New York St., at EDSA.
Bukod dito, nakita si Aligan na may sukbit na baril sa baywang, tinanggal ito at iniwan sa sasakyan.
Nilapitan ng mga operatiba si Aligan at dinisarmahan habang ang apat pang mga suspek ay pinalabas mula sa sasakyan.
Kinompiska sa mga suspek ang kalibre .45 baril,.9mm caliber; kalibre .38, apat granada, at patalim.
Bukod dito, natagpuan sa loob ng sasakyan ang mga gamit ng grupo sa paghuhukay ng tunnel tulad ng hydraulic jack, metal bar, heavy duty hand drill, at screw driver.
Sa imbestigasyon, itinuro ng mga suspek ang kanilang kuta sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Nakuha sa lugar ang ilan pang gamit ng mga suspek sa paghuhukay.
(ALMAR DANGUILAN)