BAGO pa tuluyang magwakas ang National Teacher’s Month bukas, 5 Oktubre, na nagsimula noong 5 Setyembre, bigyan natin ng huling pagpupugay at pasasalamat ang mga guro na nagsisilbing mga magulang ng ating mga anak sa paaralan.
Alam natin na hindi madaling maging guro. Bukod sa bigat ng trabaho na kanilang kailangang gawin, mas mabigat ang responsibilidad na iniaatang sa kanya ‘di lang ng mga magulang ng bawat bata kundi mismo ng buong lipunan.
Kaya dapat silang bigyang pagkilala ‘di lang ng kanilang mga estudyante kundi ng bawat magulang din dahil sila ang katuwang ng bawat tahanan na humuhubog sa values ng ating mga kabataan at sila na gumagabay at lumilinang ng karunungan at potensiyal ng bawat mag-aaral.
Nawa’y bigyan din sila nang higit na pagkilala ng pamahalaan para sa kanilang mga sakripisyo, lalo pa’t alam natin na hindi ganon kakasiya-siya ang kanilang mga suweldo kung ikokompara sa bigat ng kanilang responsibilidad. Maalagaan sanang mabuti ang ating mga guro.