NASA ikalawang taon na ang administrasyong Rodrigo “Digong” Duterte pero parang walang nangyayaring pagbabago sa kalbaryong dinadanas ng mga commuter, partikular ang mga sumasakay sa MRT at LRT.
Imbes matugunan ang malalang problema rito, tila lalo pa itong lumalala. Baka kalaunan, magigising na lang tayo na tapos na ang termino ni Duterte pero wala pa ring solusyon sa problema ng mass transport system.
Laging nagkakaaberya ang operasyon, ngayon ay halos araw-araw na itong pumapalya, at kung makailang beses pa.
Ngayong “ber months” inaasahan natin na higit na mahirap makahanap ng sasakyan bukod sa matinding trapiko, marami pa rin pasahero ang umaasa sa MRT at LRT na maghahatid sa kanilang mga patutunguhan.
Pero dahil lagi na lang sablay ang operasyon ng MRT at LRT, napipilitan ang ilang mananakay na mag-Uber o mag-Grab o mag-taxi kahit mataas ang singil. ‘Yung iba nagtitiyagang mag-jeep at mag-bus kahit siksikan at trapik para lang makapasok.
Alam natin na ang MRT at LRT pa rin ang pinakananaising sasakyan ng mga tao pagtungo sa iba’t ibang lugar dahil ito ang pinakamabilis na mode of transportation bukod sa mura pa.
Masakit mang sabihin, lumalabas na walang ipinagkaiba ang mga taong itinalaga ni Duterte sa mga taong inilagay ni dating Pangulong Noynoy Aquino para mangalaga sa operasyon ng MRT/LRT.