KASABAY ng araw ng libing ni Horacio Tomas “Atio” Castillo III, inilabas ng Department of Justice (DOJ) ang resolusyon na nagpapalaya sa ‘sumukong’ primary suspect sa hazing slay na si John Paul Solano.
Dakong 6:00 pm, dumating ang abogado ni Solano na si Atty. Paterno Esmaquel sa Manila Police Headquarters (MPD).
Aniya, 4:15 pm ay naroon sila sa DOJ at nagtanong kung mayroon nang inilabas na resolusyon hinggil sa pagpapalaya kay Solano ngunit ang sabi sa kanila’y wala pa kaya’t naghain na lamang sila ng urgent motion to resolve and release from detention.
Dagdag ni Esmaquel, habang nasa daan umano sila patungo sa MPD ay narinig nila sa radyo na naglabas na nga ng resolusyon ang DOJ. Hindi na nila nagawang makabalik sa DOJ dahil sa masikip na trapiko.
Aniya, sasadyain umano nila ang DOJ bukas para hingin ang kopya ng resolusyon upang makalaya na si Solano.
Nilinaw ni Esmaquel na hindi magiging state witness si Solano kundi sasabihin niya lamang ang kanyang nalalaman dahil maaaring maatake ang kanyang motibo kung tatayo siya bilang witness.
Samantala, dumating ang isa pang miyembro ng Aegis Juris Fraternity na nasa Immigration lookout bulletin order (ILBO) na si Jason Robinos, gabi ng Miyerkoles, 27 Setyembre sa MPD headquarters.
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Adenn Sigua, pumunta sila sa MPD upang linisin ang pangalan ng kanyang kliyente.
Aniya, walang nalalaman si Robinos sa initiation rites na naganap bago at maging noong mismong araw ng pagkamatay ni Castillo.
Inilinaw nila na hindi rin umano aktibong miyembro ng Aegis Juris Fraternity si Robinos dahil sa kalagayan ng kanyang kalusugan. Hindi umano siya kabilang sa mga opisyal ng Aegis Juris Fraternity simula noong nakaraang taon.
Dagdag ng abogado, nitong Lunes lumabas si Robinos at dumalo sa Senate hearing dahil kinalap muna nila ang ebidensiyang magpapatunay na inosente ang kanyang kliyente.
Kabilang sa mga ebidensiyang kanilang ibinigay sa pulisya ay isang file ng mga CCTV footages na nagpapatunay na nasa dorm umano si Robinos noong araw ng insidente at mga dokumentong medical na dahilan umano ng pag-alis niya sa fraternity.
Ang abogado ni Robinos ay dating miyembro ng Aegis Juris Fraternity noong 1997 at hindi na aktibo simula pa noong 2001.
(LOVELY ANGELES)