SINAMPAHAN ng pulisya ng kasong kriminal sa Department of Justice ang 18 katao kaugnay sa pagkamatay sa hazing ng UST freshman law student na si Horacio Tomas “Atio” Castillo III.
Si John Paul Solano, ang nagdala sa ospital kay Castillo, ay kinasuhan ng murder, perjury, obstruction of justice, robbery at paglabag sa Anti-Hazing Law ng Manila Police District (MPD).
Habang nahaharap sa kasong murder, robbery at paglabag sa Anti-Hazing Law sina Antonio Trangia, Ralph Trangia, Arvin Balag, Mhin Wei Chan, Ranie Rafael Santiago, Oliver John Audrey Onofre, Jason Adolfo Robiños, Danielle Hans Matthew Rodrigo, Karl Matthew Villanueva, Joshua Joriel Macabali, Axel Mundo Hipe, Marc Anthony Ventura, Aeron Salientes, Marcelino Bagtang, Zimon Padro, Jose Miguel Salamat, at ilan pang hindi kilalang mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity.
Habang ang ina ni Ralph na si Rosemarie Trangia ay sinampahan ng kasong obstruction of justice.
Tanging si Solano ang sumailalim sa inquest proceedings sa DoJ dahil ang ibang respondent ay ikinokonsiderang “at large” ng pulisya.
Si Ralph at ang kanyang inang si Rosemarie ay lumipad patungong Estados Unidos nitong 19 Setyembre, habang si Antonio ay nagpadala ng surrender feelers sa mga awtoridad.
Sa isinagawang inquest proceedings, hiniling sa DoJ ng abogado ni Solano, na si Atty. Paterno Esmaquel, na i-dismiss ang kaso at iutos ang pagpapalaya sa kanyang kliyente.
Ayon kay Esmaquel, walang complex crime ng murder at paglabag sa Anti-Hazing Law, at si Solano ay ilegal na ikinulong dahil hindi subject ang akusado sa warrantless arrest.