UMABOT sa lima katao ang sugatan habang 483 bahay ang nasira makaraan ang magnitude 5.4 lindol na tumama sa Wao, Lanao del Sur, nitong Linggo.
Dalawa sa mga sugatan ay mga residente sa Brgy. Muslim Village, kabilang ang 6-anyos babae, at si Aldjun Orandang.
Sinabi ni Orandang, tumalon siya mula sa ika-lawang palapag ng Masjid Darul Iman mosque sa pangambang gumuho ang gusali habang lumilindol.
“Biglang lumakas yung lindol. Pagkatapos nasira ‘yan. Natulala ako, biglang tumalon ako. Akala ko masisira na yung mosque. Natakot ako,” ayon kay Orandang.
Habang ang 6-anyos paslit ay nasugatan sa ulo nang mabagsakan ng nahulog na debris.
Sinabi ni Francis Garcia, hepe ng Wao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), umabot sa 452 bahay ang partially damaged habang 31 ang totally damaged makaraan ang lindol.