SISIMULAN ngayon ang itinakdang dalawang araw na tigil-pasada ng mga jeepney driver mula sa Metro Manila at ilang kalapit na probinsiya.
Ito’y upang kondenahin ang phase-out sa mga lumang jeepney sa 2018, kaugnay sa plano ng pamahalaan na maglabas ng mga makabagong pampublikong sasakyan.
Pangungunahan ng Stop and Go Coalition ang nasabing tigil-pasada.
Iginiit ni Jun Magno, pangulo ng Stop and Go Coalition, mas mabuting ipaayos o i-rehab na lang ng mga driver at operator ang mga nabubulok na jeep imbes i-phaseout.
Tiniyak ni Magno, hindi nila haharangin ang mga jeep na hindi makikiisa sa protesta.
Ayon kay Atty. Aileen Lizada, tagapagsalita ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), naghahanda ang pamahalaan upang tulungan ang mga driver at operator na maaapektohang ng modernization program.
Maglalabas din aniya ng show cause order ang LTFRB sa mga makikiisa sa tigil-pasada.
Magugunitang unang nagprotesta ang mga jeepney driver noong 6 Setyembre laban sa panukalang public utility vehicle modernization program.