ILALAHAD ng pangunahing suspek sa pagkamatay ni Horacio TOMAS “Atio” Castillo III sa initiation rites ng isang fraternity, ang lahat ng kanyang nalalaman hinggil sa insidente, sa isasagawang imbestigasyon sa Senado ngayon, pahayag ni Senador Panfilo Lacson nitong Linggo.
Sinabi ni Lacson, ibubunyag ni John Paul Solano, miyembro ng Aegis Juris Fraternity, ang kanyang nalalaman hinggil sa insidente ng hazing, sa Manila Police District (MPD).
“Hindi lang bukas, kundi maging sa MPD. Sinabi niya na baka sa formal investigation na lang ako magbigay ng detalye,” dagdag ni Lacson.
Ikinonsidera si Solano bilang pangunahing suspek sa pagkamatay ni Atio dahil sa pagbibigay ng mga maling impormasyon sa pulisya gaya ng kung saan at paano niya natagpuan si Atio.
Nitong Biyernes, sumuko si Solano kay Lacson, na siyang nagdala sa kanya sa MPD.
Gayonman, sinabi ni Lacson, wala pang sinasabi sa kanya si Solano hinggil sa insidente.
“Ayaw niyang magbigay ng detalye. Ang sinasabi niya magbibigay na lang siya ng detalye pagharap niya sa formal investigation.”