NAGPADALA ng mga tauhan ang pulisya sa burol ng hazing victim na si Horacio Tomas “Atio” Castillo III, makaraan ang hinihinalang pagtatangkang sindakin ang kanyang pamilya, ayon kay Migs Zubiri.
“Noong isang araw, may dumating ditong ‘di nila kilala, parang sina-psychological ano si Tito, ‘yung tatay ni Atio… Sinabihan siya na medyo siga, ang dating na ‘E ano, anong plano n’yo na ‘yun?” sabi sa mga reporter ni Zubiri, kaibigan ng pamilya Castillo.
Ayon kay Zubiri, balak sana ng pamilya Castillo na kumuha ng security agency, ngunit humingi na lang sila ng tulong kay Director General Ronald Dela Rosa, hepe ng Philippine National Police.
“Kaagad-agad nagpadala siya (Dela Rosa) ng pulis dito, plainclothes na policemen. In cases like this kasi, ‘di mo maiiwasan na may mapikon din sa ‘yo,” ani Zubiri.
“Siyempre although biktima ang pamilya ni Atio, ang problema ang kaaway nila medyo influential, ma-impluwensiya. So we have to be cautious at all times.”