MAHIGIT 30 porsiyento ang nawawala sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) mula sa potensiyal na kita ng pinalawak na Small Town Lottery (STL) dahil sa patuloy na operasyon ng ilegal na sugal sa ilang mga lalawigan sa bansa, paliwanag ng mga Authorized Agent Corporations ng STL sa mga senador.
Ayon kay PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz, ito ang pangunahing dahilan kung kaya’t hindi naireremit ng AACs ang kanilang Presumptive Monthly Retail Receipt (PMMR) sa ahensiya, na nakaaapekto sa kita ng gobyerno mula sa STL.
Sa isang pagdinig sa Senado na ginanap noong Martes, tungkol sa iminumungkahing paglikha ng Philippine Charity Office (PCO), nagreklamo ang ilang AACs sa patuloy na paglaganap ng ilegal na sugal sa kanilang mga lugar habang sila ay may operasyon ng STL, dahilan kung kaya’t nahihirapan silang mabuo ang kanilang PMMR na dapat nilang iremit sa PCSO.
Sa kasalukuyan ayon kay Corpuz, 72 AACs na ang nagpapatakbo ng STL sa iba’t ibang probinsiya sa bansa, at nagresulta ito sa pagtaas ng kita na P8.8 bilyon mula Enero hanggang Agosto, o may pagtaas na 166 porsiyento kompara noong nakaraang taon.
“We will soon reach the momentum, and then from there, the PCSO will review their performance, and insist on is due to the government,” ani Corpuz. “We are expecting the remaining 20 more AACs to operate before the year ends,” dagdag niya.
Gayonman, mga 30 porsiyento mula sa potensiyal na kita ng STL ay nawawala dahil sa ilegal na sugal tulad ng jueteng, ayon kay Corpuz.
Ayon sa isang AAC mula sa Laguna, ang Ramloid Corporation, mayroon silang potensiyal na kita na P4 milyon kada araw ngunit mahigit P1.2 milyon pa rin ang napupunta sa ilegal na sugal.
Ang Lucky V Prime Enterprises Corporation, AAC mula sa Albay, ay dapat magremit sa PCSO ng P2.5 milyon araw-araw, at ayon sa kanila, naka-remit sila ng 70 porsiyento ng kanilang PMMR noong Agosto, at ang natitirang 30 porsiyento ay maaaring nawala dahil sa illegal gambling.
Halos pareho ito sa lalawigan ng Batangas, Bulacan, Negros Occidental at Pangasinan.
Ang Golden Go Rapid Gaming Corp., isang AAC na nagpapatakbo sa probinsiya ng Pangasinan, may potensiyal na koleksiyon na hindi bababa sa P5 milyon sa isang araw, ngunit hindi ito nangyayari dahil sa patuloy na “guerilla operations” ng iba pang illegal numbers game na nasa probinsiya, ayon sa kinatawan ng nasabing korporasyon.
“Hindi naman kayo ang mga naggegerilya? Kasi ginigeriya ‘yung STL and minsan kayo rin ‘yung gumagawa para hindi mai-remit ang tamang kita na dapat ibigay sa gobyerno. I’m not referring to all of you, baka ‘yung mga hindi umattend ngayon sila ang gumagawa,” tanong ni Senator Panfilo Lacson sa AACs.
Ayon sa kinatawan ng Lucky V Prime Enterprises Corporation, isang AAC mula sa Albay, sinabi niya sa senador na matutugunan nila malamang ang kanilang PMMR kung mawawala nang lubusan ang jueteng na numero uno nilang kalaban sa kanilang operasyon sa STL.
Kamakailan, nanawagan si PCSO General Manager Alexander Balutan sa Philippine National Police (PNP) na seryosong harapin ang suliranin sa illegal gambling sa bansa, partikular ang jueteng na patuloy na mabigat na kakompetensiya ng STL.
“We have to face the illegal gambling crisis, and double our efforts in the conduct of operations against illegal gambling to arrest syndicates, particularly those who are using STL as a front to cover their illegal business,” ulit ni Balutan nitong Biyernes.
Sinabi ng general manager na kahit ang mga kolektor ng STL mula sa mga lehitimong STL operator ay dapat hulihin kung sila ay napatunayang nagsasagawa ng bookies sa kanilang area of operation.
“The PCSO, together with our STL AACs hopes to finally eradicate the jueteng which seems to be the biggest challenge of STL operations,” dagdag ni Balutan.
Naniniwala si Lacson na dapat mag-remit ng tamang PMMR ang mga STL AACs, at taasan pa ito kung maaari, at makakatulong ng PCSO ang PNP sa pamamagitan ng pagpapahinto ng huli sa operasyon ng jueteng sa buong bansa.
“To become successful [STL operations], ang makakatulong ninyo diyan, ‘yung PNP, unless ‘yung PNP kasabwat ‘yung jueteng operator or unless may conspiracy ‘yung STL operator, jueteng operator and PNP, naloko na, ‘di ba?” ani Lacson kay Corpuz.
Pinayuhan ng senador ang AACs na iulat agad sa pulisya ang mga nagsasagawa ng “guerilla operations” sa kanilang mga lugar dahil makaaapekto umano ito sa kanilang mga kita.
Paliwanag ni Corpuz, ang PCSO ay magsasagawa ng pagsusuri sa STL Implementing Rules and Regulations (IRR) kada taon, upang suriing mabuti ang operasyon ng pinalawak na STL, at ayusin ang IRR kung kinakailangan.
Ang ‘right to match’ na nagsasagawa ang ahensiya ng bidding sa mga dating AACs at sa mga interesadong aplikante ng STL ay isasagawa kada tatlong taon.