PANIWALAAN-DILI ang pagkilalang tinanggap ng Pasig River bilang 1st runner up sa katatapos na 20th Theiss International Riverprize sa Brisbane, Queensland, Australia.
Pumangalawa ang makasaysayang Pasig River sa talagang malinis nang San Antonio River sa estado ng Texas, United States na isang maunlad na bansa at nadaig ang River Tweed sa United Kingdom at Alaska River na isa pang pambato ng Amerika.
Kung tutuusin, may 31 ilog sa buong mundo na lumahok sa 20th Theiss International Riverprize, malaking karangalan na ang pagpasok sa Final Four lalo’t batid ng lahat na suntok sa buwan ang paglahok ng Pasig River sa nasabing paligsahan.
Ngunit sa pagsisikap ni Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” Goitia at ng kanyang masisipag na tauhan, nakaigpaw ang ahensiya sa napakaraming problema pangunahin ang relokasyon ng informal settler families at ang pagbara sa ilog ng tone-toneladang water hyacinths mula Laguna de Bay patungong Manila Bay.
araming nagsidalo sa pagtitipon sa Brisbane, Australia ang nakarinig sa audience na ang Filipinas ang dapat nanalo sa “degree ng difficulty” dahil kabilang sa itinuturing nang “dead rivers” sa buong mundo ang Pasig River.
Ayon kay Juanito Galvez, tubong Bulacan at 15 taon nang nakatira sa Sunbury, Victoria: “It should have been Pasig River who won! Mas mahirap ang ginagawa ng PRRC na binibigyan ng relokasyon ang informal settler families sa tabi ng mga ilog, lawa, sapa at esterong karugtong ng Ilog Pasig!”
Ayon naman kay Edna Salazar na kumukuha ng Master’s Degree sa Australia: “PRRC is resurrecting a dead river how come it lost to San Antonio? Naparami lang nila ang salmon sa kanilang ilog pero mas mabigat sa balikat ang ginampanan ng PRRC lalo sa relokasyon ng squatters na nagtatapon ng lahat ng klase ng dumi sa Pasig River.”
Pumangalawa man, malugod na tinanggap ni Goitia na nagsisikap din linisin ang San Juan River bilang pangulo ng PDP Laban sa lungsod, ang finalist trophy na kauna-unahang tinanggap ng Filipinas sa mahabang panahon.
Ani Goitia: “Pinatunayan lamang nating mga Filipino na kaya natin ang rehabilitasyon at restorasyon ng makasaysayang Pasig River upang maging lugar ng turismo, libangan at transportasyon. Ipagpapatuloy natin ang magandang simulang ito dahil para sa akin at sa taga-PRRC na nasa ilalim ng Tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte, tayo ang tunay na kampeon sa 20th Theiss International Riverprize! Mabuhay ang puso para sa Ilog Pasig! Mabuhay ang Filipinas!”
ABOT-SIPAT
ni Ariel Dim Borlongan