ATAKE sa puso sanhi ng grabeng pagpapahirap sa hazing ang ikinamatay ng isang freshman law student ng University of Sto. Tomas (UST) na kinilalang descendant o inapo ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal sa kanyang kapatid na si Soledad Alonso- Rizal de Quintero.
Ang biktimang si Horacio III Tomas Castillo y Topacio, tinatawag na Atio ng kanyang pamilya, 22 anyos, nasa kanyang unang taon ng abogasya ay iniulat na natagpuang nakabalot sa isang kumot sa tabi ng isang kalsada sa kanto ng Lopez Blvd., at Infanta St., sa Balut, Tondo, Maynila nitong Linggo ng umaga.
Dakong 7:50 ng umaga nang makita umano ng isang John Sarte, medical technologist na noon ay bumibili ng sigarilyo, ang nakabalot sa kumot na si Castillo.
Pinara ni Sarte ang ilang sasakyan na dumaraan sa nasabing lugar para dalhin sa ospital si Castillo hanggang isang kulay pulang Estrada ang tumigil at tumulong sa kanya saka dinala sa Chinese General Hospital pero idineklarang dead on arrival dakong 9:21 am.
Ayon sa ulat, inatake sa puso ang 22-anyos estudyante dahil sa “massive injury” mula sa hazing, ayon kay Dr. Milagros Provador ng MPD Scene of the Crime Operatives.
GRABENG galit ang nararamdaman ng mga magulang ng biktima ng hazing na namatay sa cardiac arrest, si Horacio Tomas Castillo III, na sina Carmina at Horacio Castillo, Jr., habang nasa Arcanghel Funeral Homes para kaunin ang bangkay ng kanilang anak na punong-puno ng pasa at patak ng kandila sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang batang Castillo ay freshman law student sa University of Sto. Tomas na sinabing dumalo sa ‘welcome rites’ ng Aegis Juris Fraternity, ngunit hindi na nakauwi nang buhay sa kanyang pamilya at natagpuan umanong nakabalot ng kumot sa isang kalsada sa Balut, Tondo, Maynila. (BONG SON)
Kabilang aniya sa mga pinsala sa katawan ni Castillo ang hematoma o pamumuo ng dugo sa magkabilang braso.
Salaysay ni Horacio Castillo Jr., ama ng biktima, ayaw sana niyang payagang sumali ang anak sa Aegis Juris Fraternity, ngunit tiniyak ng anak na walang hazing sa initiation rites, na limitado lang umano sa paglilinis, simpleng utos ng mga miyembro o pagkanta sa publiko.
Napapayag aniya siya dahil ipinaliwanag ng anak na maging ang dean ng UST Civil Law ay miyembro ng naturang fraternity.
Nakapasa si Castillo sa “initiation” at nagpaalam sa mga magulang na dadalo sa overnight welcome rites ng fraternity nitong Sabado. Nangako pa umano ang biktima na magsisimba kasama ang pamilya kinaumagahan. Ngunit hindi na nakauwi si Castillo.
Ayon sa ama ng biktima, tadtad ng pasa ang katawan ng anak at mga paso ng sigarilyo at kandila.
“I took care of that child. They took our child away from us. Right now, I just want my son,” anang nakatatandang Castillo.
“I want justice for my son. Pinatay nila ang anak ko.”
Patuloy ang imbestigasyon ng MPD sa insidente.
SENADOR
O PRESIDENTE
PANGARAP
NI ATIO
INSPIRADO sa kanyang nunong si Dr. Jose Rizal, hindi itinatago ng batang si Atio na gusto niyang maging senador o presidente ng bansa.
Ang pamilya ng ama ni Atio ay sinabing direktang inapo (descendant) ni Soledad Alonzo Rizal, kapatid ng pambansang bayani, na napangasawa ni Pantaleon Quintero.
Si Amelia Rizal Quintero de Marval, anak ni Soledad Alonso Rizal, kapatid ng pambansang bayani. Kasama ng tiyuhin ni Atio na si Dr. Gerardo M. Castillo si Pangulong Duterte noong Rizal Day, 30 Disyembre 2016
Anak nina Soledad at Pantaleon ang lola ng ama ni Atio na si Amelia Rizal Quintero na napangasawa ang anak ni Gen. Miguel Malvar na si Bernabe Malvar.
Sina Amelia at Bernabe Malvar ay magulang ng ina ng ama ni Atio, na si Tessy Malvar Castillo, habang ang kapatid ng kanyang ama na si Dr. Gerardo M. Castillo ay laging kumakatawan sa kanilang pamilya tuwing ipinagdiriwang ang araw ni Dr. Jose Rizal sa pag-aalay ng bulaklak sa Rizal Park. (GMG)
Sa Castillo hazing
AEGIS JURIS
FRATMEN
SINUSPENDI
NG UST
INIUTOS ng University of Santo Tomas Faculty of Civil Law ang “preventive suspension” sa mga opisyal at miyembro ng Aegis Juris fraternity kasunod nang pagkamatay ng freshman law student na si Horacio Tomas “Atio” Castillo III.
Nitong Lunes ini-post sa Facebook account ng The Varsitarian, ang memorandum ni UST civil law dean Atty. Nilo Divina, na sinabing ‘all offi-cers and members of the Aegis Juris Fraternity are preventively suspended from the UST Faculty of Civil Law effective September 18, 2017.”
“Members of this group therefore would not be allowed to enter the campus or the Faculty of Civil Law or attend classes until further orders,” dagdag sa memo ni Divina.
NBI PROBE
SA HAZING
DEATH NG UST
LAW STUDENT
INIUTOS
INIUTOS ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa National Bureau of Investigation (NBI) na im-bestigahan at kasuhan ang mga responsable sa pagkamatay ng freshman law student ng University of Santo Tomas (UST) na si Horacio Tomas “Atio” Castillo III.
Si Castillo ay sinasabing napatay sa welcome rites ng university-recognized fraternity nitong nakaraang linggo.
“Deaths and physical injuries due to hazing have no place in a civilized society. The loss of a life should never be the price that one should pay for brotherhood and acceptance. The persons responsible for this senseless death should be brought to justice,” pahayag ni Aguirre.
HATAW News Team