LABING-ISANG basyo at tatlong depormadong bala mula sa hindi pa matukoy ba kalibre ng baril ang narekober ng mga tauhan ng NPD-SOCO matapos magduwelo ang dalawang kagawad ng Philippine National Police (PNP) sa Caloocan City nitong Sabado ng hapon.
Ginagamot sa Caloocan City Medical Center ang sugatan na si SPO1 Romel Bautista, 42, nakatalaga sa Station Investigation Division and Management Branch ng Caloocan City Police, dahil sa tama ng bala sa katawan, at ang nadamay na jeepney driver na si Ricardo Ramos, 66, tinamaan ng ligaw na bala sa katawan.
Pinaghahanap ang suspek na si PO2 Paul John Dela Fuente, 33, nakatalaga sa Manila Police District (MPD), at residente sa Blk. 13, Lot 5, Marytown Center, Brgy. Kaligayahan Novaliches, Quezon City.
Ayon kay Caloocan police chief, Sr. Supt. Jemar Modequillo, dakong 3:20 pm, kumakain ang isang Danny Sta. Maria, sa isang kantina sa A. Mabini St., Brgy. 18, nang kumuha ng toothpick sa mesa ni Dela Fuente na noon ay kumakain din.
Ikinagalit ito ng pulis dahil nabastusan sa ginawa ni Sta. Maria na humantong sa pagtatalo hanggang suntukin ni Dela Fuente sa kanang kilay ang una, na kumuha ng toothpick nang walang paalam.
Inisip na agrabyado, nagpasaklolo si Sta. Maria sa pulis na si Bautista na nagresulta sa palitan ng putok ng dalawang pulis.
Pagkaraan, tumalilis si Dela Fuente habang isinugod sa pagamutan si Bautista at si Ramos na tinamaan ng ligaw na bala.
Katulong ng mga tauhan ng NPD-SOCO si Caloocan police investigator PO2 Alvin Pascual sa imbestigasyon nang mrekober ang 11 basyo ng bala at tatlong deformed fired bullet mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
(ROMMEL SALES)