DAVAO CITY – Naglabas ng manifesto ang Mindanao Area Council (MAC), kalipunan ng 6 regional council ng PDP-Laban sa Mindanao para kondenahin ang malawakang pangangalap ng mga bagong miyembro ng partido na hindi dumaraan sa tamang proseso ng basic membership training at ‘vetting’ o paninigurong pawang mapagkakatiwalaan at walang kaugnayan sa droga ang mga bagong rekrut.
Inaasahan sa isang malaking general assembly sa Mindanao sa susunod na Linggo, itutulak ng MAC sa national party leaders ng partido ang pagbisita at pagpapatupad ng Constitution and By-Laws ng LDP.
Ang koalisyon na kinabibilangan ng 5 rehiyon sa Mindanao at ng Auto-nomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay magdudulog ng “six-point agenda cum manifesto” para sa konsiderasyon ni Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, ang national president ng LDP. Ang MAC region presidents ay kinabibilangan nina Cesar Cuntapay, Region XI; Rogelio Garcia, Region XII; Emmanuel Lumanao, Region XIII; Franklin Quijano, Region X; Noli Garcia, Region XI; at Datu Apan Piang, ARMM secretary-general.
Si Cesar Ledesma, isa sa mga nagtatag ng partido ay pinuno ng secretariat ng PDP-LABAN Mindanao Area Council.
Ang manifesto na resulta ng pulong noong 24 Agosto 2017 ng mga PDP-Laban stalwarts sa Tagum City, ay humihikayat kay Pimentel na pag-usapan ang mga preblema at isyu ng partido at gumawa ng kaukulang pagtatama rito.
Sinabi ni Cesar Cuntapay, presidente ng regional council for Southern Mindanao, “dapat ay payagan ng National Council ang regional councils sa Mindanao na magkaroon ng awtonomiya sa pagpapalakad sa kanilang nasasakupan na pinahihintulutan ng party Charter.”
Hiniling din ng MAC sa National Council na pigilin si House Speaker Pantaleon Alavarez sa ginagawa nitong mass oath-taking ng mga bagong miyembro na hindi naman dumaraan sa tamang rekesitos ng PDP-Laban Constitution.
Sa nasabing manifesto din ay idineklarang ‘persona non grata’ sa Mindanao si Alvarez “for ignoring the regional councils and for undertaking actions in violation of the Party Constitution and Principles.”
Nagbanta ang grupo, sakaling hindi maayos ang “ideological differences” sa gitna ng national party leadership at ng MAC, handa ang liderato ng Mindanao bloc “na tumiwalag sa administrative control” ni Pimentel at Alvarez.
Gayonman, nagpahayag sila ng patuloy na suporta kay Presidente Rodrigo “Digong” Duterte sa kanyang adbokasiya para sa Federalismo, laban sa droga, kriminalidad, korupsiyon at mga makataong inisyatiba.