KINOMPISKA ng Bureau of Customs (BoC) ang P10 milyong halaga ng misdeclared luxury cars at auto parts sa Manila International Container Port (MICP).
Sa ulat, kabilang sa mga kinompiska ang used black Mercedes Benz, used white Mercedez Benz, at mga gulong nito.
Ang 40-footer shipment, na dumating mula sa Hong Kong nitong Agosto ay idineklarang naglalaman ng auto parts at naka-consign sa Juljerjac Trading.
“This is a prima facie evidence of misdeclaration, hence we will issue a warrant of seizure and detention against Juljerjac Trading’s smuggled motor vehicles,” pahayag ni district collector Vincent Maronilla.
Ang mga sasakyan ay nasa kustodiya ng BoC para sa pagsusuri.
Ito ang unang major bust ng BoC magmula nang maupo si Commissioner Isidro Lapeña bilang kapalit ni Nicanor Faeldon, na nagbitiw sa puwesto bunsod ng alegasyong korupsiyon kasunod nang pagpasok sa bansa ng P6.4 bilyong halaga ng shabu shipment mula China.
Itinanggi ni Faeldon ang nasabing alegasyon.
Bukod sa luxury cars, kinompiska rin ng BoC personnel ang apat container vans ng smuggled onions, carrots, at apples sa MICP.