BINUWAG ni bagong Bureau of Customs (BoC) chief, Commissioner Isidro Lapeña ang command center (ComCen) na binuo ni dating chief Nicanor Faeldon.
Ipinawalang-bisa ang kapangyarihan ng Customs Memorandum Order (CMO) No. 23-2016 na tanging ang ComCen ang maaaring maglabas ng Alert Orders at Customs Special Order.
Nilagdaan ni Lapeña ang Customs Memorandum Order No. 14-2017 na nagbibigay kapangyarihan sa Intelligence group, Enforcement group, at district collectors na maglabas ng Alert Orders. Binuo ang ComCen sa ilalim ni Faeldon upang gawing sentralisado at masubaybayan ang paggalaw ng export at import shipment.
Mahigpit na ipinapatupad ni Lapena ang bagong sistema ng pagpapalabas ng Alert Orders at ang mga probisyon sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Upang masigurado ang napapanahong impormasyon at mai-monitor ang pagpapalabas ng Alert Orders, lahat ng awtorisadong opisyal na magpapalabas ng Alert Orders ay kinakailangan magsumite ng report sa Office of the Commissioner sa loob ng 24 hanggang 48 oras.
(ALEXIS ALATIIT)