NATAGPUANG patay at may 30 saksak sa katawan si Reynaldo de Guzman, ang 14-anyos binatilyong kasama ni Carl Angelo Arnaiz (nang gabing siya’y pinaslang) sa Nueva Ecija, nitong Martes.
Positibong kinilala ng kanyang ama ang bangkay ni De Guzman, na ang mukha ay ibinalot sa tape, sa isang funeral parlor sa Gapan City.
Nakompirma ng ama na ang bangkay ay kanyang anak dahil sa marka sa leeg at kulugo sa kaliwang tuhod ng binatilyo. “Wala silang awang pumatay ng batang nawawala. Tinadtad nila ng saksak,” pahayag ng ina ng biktima.
Sina De Guzman at Arnaiz ay kapwa iniulat na nawawala noong 17 Agosto, makaraan umalis sa kanilang bahay sa Cainta, Rizal, para bumili ng midnight snacks.
Ang bangkay ni Arnaiz ay natagpuan sa isang funeral parlor sa Caloocan City, 10 araw makaraan iulat na siya ay nawawala.
Siya ay may limang tama ng bala sa katawan at may mga marka at palatandaang siya ay tinortyur, ayon sa autopsy report.
Ayon sa ulat ng mga pulis, tinangkang holdapin ni Arnaiz ang isang taxi driver na agad nag-ulat sa himpilan ng pulisya.
Ngunit nakipagbarilan umano si Arnaiz na kanyang ikinamatay.