INIULAT ng mga kaanak ang pagkawala ng isang pulis na kabilang sa Presidential PNP Security Force Unit sa Malacañang sa General Assignment and Investigation Section (GIS) ng Manila Police District, kahapon.
Idinulog ng mga kaanak ang pagkawala ni PO2 Ronnie Belino, 34, halos 15 araw nang hindi umuuwi makaraan huling makita noong 24 Agosto sa C.M. Recto Ave., sa Sampaloc, Maynila.
Sa report sa pulisya ng mga kaanak ng biktima, gabi ng 23 Agosto nang umalis si Belino sakay ng kanyang motorsiklo.
Tinatawagan siya sa cellphone number niya ngunit hindi sumasagot. Kinabukasan, umaga ng 24 Agosto, bumalik ang biktima ngunit hindi dala ang kanyang motorsiklo at pagkaraan ay nakita ng security guard na nagbabantay sa kanilang gusali, na tila balisa at palakad-lakad sa kanilang lugar.
Ayon sa kapatid na si Joel Belino, 40-anyos, at nakatira rin sa nasabing lugar, ang biktima ay walag bisyo tulad ng paggamit ng droga.
Sabi ng nakatatandang Belino, ang kanyang kapatid ay may pamilya at nag-aalala na rin sa kanya simula nang mawala ang biktima.
Dumulog na umano sila sa barangay na nakasasakop sa kanila upang makita ang CCTV footage malapit sa kanilang lugar ngunit hindi nila makita ang kuha sa petsa na nawala ang biktima.
Sa kasalukuyan, iniulat muna na “missing person” ang biktima at patuloy na mag-iimbestiga hinggil sa kinaroroonan ni Belino.
Nitong nakaraang linggo, may napaulat na kaso ng criminology student na halos 11 araw nang nawawala.
Iniulat noong 19 Agosto ng ama ni Ramir Roda, Jr., 19-anyos, sa GAIS na nawawala ang biktima at hindi umuwi noong umalis ng gabi 18 Agosto.
Sa kasamaang palad, wala nang buhay nang matagpuan ang biktima sa morgue ng Quezon City General Hospital ng kanyang mga magulang at mga pulis ng GAIS noong tanghali ng 29 Agosto.
Ang kaso ni Roda Jr., ay unang iniulat na “missing person” ngunit humantong sa kaso ng ‘robbery with homicide’ matapos matuklasan ng mga imbestigador ng GAIS na mayroong dalawang suspek na kasama noong gabing mawala ang biktima.
Pinatay umano ang biktima upang nakawin ang kanyang mga alahas, gadgets, at motorsiklo.
ni Ivel John M. Santos (OJT)
MISSING PSG
MEMBER, AWOL
IDINEKLARANG absent without official leave (AWOL) ang isang kagawad ng Presidential Security Group (PSG) na iniulat ng pamilya na nawawala mula noong 23 Agosto.
“Declared AWOL starting 23 Aug, Status unknown as of this date,” text message ni B/Gen Louie Dagoy, commander ng PSG, hinggil sa ulat na nawawala si PO2 Ronnie Belino, ng Presidential PNP Security Force Unit.
Si Belino ay ini-report na “missing person” sa General Assignment Section ng Manila Police District (MPD).
(ROSE NOVENARIO)