LUMAKAS ngunit bumagal ang bagyong Kiko habang palabas sa Philippine area of responsibility (PAR) nitong Miyerkoles, ayon sa PAGASA.
Sa 11:00 am weather bulletin ng PAGASA, namataan ang bagyo sa 115 kilometro kanluran ng Basco, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 60 kilometro kada oras (kph) at pagbugsong aabot sa 70 kph.
Mas malakas ito kompara sa 55 kph lakas ng hanging naitala dakong 4:00 am kahapon.
Habang bumagal ang takbo ng bagyo na kumikilos na lamang sa bilis na 10 kph patungong hilagang kanluran.
Inialis na ang lahat ng tropical cyclone warnings sa lahat ng lugar sa bansa.
Inaasahan ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa loob ng 250 kilometro diametro ng bagyong Kiko.
Nag-abiso ang PAGASA sa mangingisdang may maliliit na bangka sa hilagang bahagi ng Luzon na huwag munang pumalaot dahil sa banta ng matataas na alon.