PINATUNAYAN ni Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia na kayang sagipin ang Ilog Pasig pati ang informal settlers families (ISFs) na naninirahan sa tabi ng mga ilog, sapa at estero para sa kanilang kaligtasan.
Nagpasalamat si Goitia sa opisyales ng Barangay 8 sa Maynila sa pakikipagtulungan sa PRRC upang mailipat ang ISFs mula sa panganib ng paninirahan sa gilid ng Estero dela Reina patungo sa mga relocation site na inihanda ng ahensiya sa pakikipagtulungan ng National Housing Authority (NHA).
Mula 2014, sinimulan ng PRRC ang paggiba sa mga barumbarong na nakatayo sa magkabilang gilid ng Estero dela Reina na bumaybay mula Barangay 8 hanggang Barangay 9. At ngayong 2017, naibalik ng PRRC ang pangkalikasang preserbasyon ng naturang estero na may sukat na 198.88 metrong linear park, binibigyang liwanag ng mga solar-powered street light at puno ng mga luntiang halaman.
“Tunay na napakahalaga ng pagtutulungan ng lahat ng sektor lalo ng mga ahensiya ng gobyerno para maipatupad ang tunay na pagkalinga at pangangalaga hindi lamang sa buhay ng mamamayang Filipino kundi maging sa kapakanan ng kalikasan ng bansa,” diin ni Goitia. “Kaya malaki ang pasasalamat ko kay Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada dahil siya ang nagtatag ng PRRC noong Pangulo pa siya ng Republika.”
Naging makasaysayan ang pagpapakita sa publiko ng inaugural marker ng Estero dela Reina noong 31 Agosto na dinaluhan ni Estrada at ng mga opisyal ng Filinvest Land, Inc., Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB), Metro Manila Development Authority (MMDA), Laguna Lake Development Authority (LLDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).