ARESTADO si Puerto Princesa Vice Mayor Luis Marcaida III makaraan makompiska sa kanyang bahay ang ilang armas at pakete ng hinihinalang droga, nitong Lunes.
Ayon sa ulat, hinalughog ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency at pulisya ang bahay ni Marcaida sa bisa ng search warrant na inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 53, dahil hinihinalang may koneksiyon siya sa ilegal na droga. Kabilang sa mga nakuha sa bahay ni Marcaida sa Brgy. Bancao-Bancao, Puerto Princesa, ang 30 pakete ng hinihinalang shabu, P280,000 cash, limang baril, daan-daang bala, tatlong rifle grenade, at isang hand grenade.
Ininspeksiyon din ng mga awtoridad sa tatlong oras na operasyon ang mga sasakyan ni Marcaida at mga kalapit na lugar ng kanyang tahanan.
Mahaharap ang opisyal sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.