SINAMPAHAN ng 13-anyos dalagita ng kasong kriminal nitong Lunes ang pari na inaresto makaraan dalhin siya sa isang motel sa Marikina City noong Hulyo.
Inihain ng dalagita kay Assistant State Prosecutor Romeo Galvez ang sworn statement na nag-aakusa kay Msgr. Arnel Fuentes Lagarejos ng “qualified trafficking in persons.” Kabilang din sa kinasuhan ang apat indibidwal na sinasabing nagbugaw sa dalagita sa 55-anyos na si Lagarejos.
Ang dalagita ay sinamahan ng kanyang ina, ng mga opisyal ng Public Attorney’s Office at Volunteers Against Crime and Corruption.
Magugunitang sinibak si Lagarejos mula sa kanyang tungkulin bilang parish priest ng St. John the Baptist Parish sa Taytay, Rizal, at bilang pangulo ng Cainta Catholic College.