Saturday , November 16 2024

Bahay niratrat kotse sinunog sa Valenzuela

PINAULANAN ng bala ng hindi kilalang mga suspek ang bahay ng isang pamilya at sinunog ang nakaparada nilang sasakyan sa Valenzuela City, kamakalawa ng madaling-araw.

Ayon sa ulat, dakong 3:00 am nang magising ang mag-asawang sina Alan, 49, at Gene Gloria Tuy, 47, ng 15 Felomina St., Manotoc Subdivision, Brgy. Marulas makaraan marinig ang sunod-sunod na putok ng baril.

Mabilis nilang tinungo ang silid ng kanilang anak na si Luisa, 26, at nakita sa kama ang isang bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Pagkaraan, narinig nila ang sigaw ng mga kapitbahay na nakitang nasusunog ang nakaparada nilang kotseng Kia Picanto kaya’t dali-daling kinuha ang fire extinguisher at inapula ang apoy sa tulong ng mga kapitbahay.

Sa nakuhang footage ng pulisya sa nakakabit na CCTV camera sa lugar, dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang bumaba sa harap ng inuupahang bahay ng pamilya, ilang minutong tumingin muna sa paligid ang isa sa mga suspek bago pinaulanan ng bala ang bahay habang sinilaban ng kasama ang nakaparadang kotse.

Matapos ito, sumakay sa motorsiklo ang mga suspek saka humarurot patungo sa hindi matukoy na direksiyon.

ni ROMMEL SALES

TRIKE DRIVER
ITINUMBA
NG PASAHERONG
BEBOT

PATAY ang isang 41-anyos tricycle driver makaraan barilin ng babaeng pasahero sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Agad binawian ng buhay ang biktimang si Wilberto Felix, residente sa Doña Juana Subdivision, Brgy. Dampalit, sanhi ng tama ng bala sa kaliwang sentido.

Ayon sa imbestigasyon nina PO2 Rockymar Binayug at PO1 Junny Delgado, dakong 8:10 pm, lulan ng Tricycle ng biktima ang ‘di kilalang babaeng pasahero.

Ngunit pagsapit sa C. Arellano St., Brgy. Baritan, biglang naglabas ng baril ang suspek at pinaputukan sa kaliwang sentido ang biktima.

Bumaba ang suspek at muling pinaputukan ang biktima saka naglakad.

Pagkaraan, ipinasa ng suspek ang baril na ginamit sa krimen, sa dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo at pagkaraan ay sumakay sa isang pampasaherong jeep.

Ayon sa pulisya, tila nakita ng biktima ang marahas niyang kamatayan matapos sabihin sa kanyang asawa nitong Sabado ng gabi na baka may ‘papatay’ sa kanya.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa krimen.

(ROMMEL SALES)

MISTER BINOGA
SA HARAP NI MISIS

BINAWIAN ng buhay ang isang lalaki makaraan pagbabarilin ng riding-in-tandem sa harap mismo ng kanyang misis sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Hindi umabot nang buhay sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang biktimang si Alex Guyala, 52, ng 2329 Chrysanthemum St., Brgy. 174, Camarin, ng lungsod.

Sa imbestigasyon ni North Caloocan Police Community Precinct (PCP-5) PO3 Jerome Dela Cruz, dakong 8:30 pm, minamaneho ni Guyala ang kanyang tricycle pauwi kasama ang asawa na si Rose, 42, nang harangin sila ng dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo sa Chrysanthemum St., sa tabi ng University of Caloocan City, at pinagbabaril ang biktima.

Patuloy ang follow-up investigation ng mga pulis upang matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek, inaalam rin kung may kinalaman sa ilegal na droga o personal na galit ang motibo sa insidente.

(ROMMEL SALES)

BEBOT TIGBAK
SA AMBUSH
SA MUNTI

PATAY ang isang babae makaraan tambangan ng ‘di kilalang suspek habang lulan ng kanyang sasakyan sa Brgy. Poblacion, Muntinlupa City, nitong Linggo ng hapon.

Ayon kay Muntinlupa City Police Senior Supt. Dante Novicio, kinilala ang biktimang si Maria Ronila dela Rosa, 36, ng Agnos St., Brgy. Doña Josefa, Quezon City.

Sa pahayag sa pulisya ng security guard ng Southville 3-NHA, na si Arturo Arguelles, binabaybay ng biktima ang Biazon Rd., NHA, Brgy. Poblacion, Muntinlupa City, lulan ng gray na Toyota Wigo (AAY 1501) nang dikitan siya ng puting SUV na hindi naplakahan, at siya ay limang beses na pinaputukan.

Nabatid sa kuha ng CCTV camera sa Brgy. Polacion, mula sa tulay malapit sa isang Police Community Precinct (PCP) ay sinusundan na ang sasakyan ng biktima ng SUV.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang nasabing insidente.

(JAJA GARCIA)

About Rommel Sales

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *