IBINASURA ng Department of Justice (DoJ) ang kasong rebelyon laban sa 58 hinihinalang Maute recruits at ang taong sinasabing kumalap sa kanila bilang reinforcement sa jihadists rebels na nakikisagupa sa mga tropa ng gobyerno sa Marawi City.
Sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kahapon, walang nakitang probable cause ang panel ng prosecutors, sa pangunguna ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, para isulong ang kasong inihain ng Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command.
Ayon kay Aguirre, nabuo ng prosecutors ang resolusyon nitong nakaraang linggo.
Ngunit hindi niya masabi kung ang 58 lalaki at kanilang hinihinalang recruiter, na si Moro National Liberation Front (MNLF) member Nur Supian, ay pinalaya mula sa pagkakapiit sa Camp Aguinaldo, Quezon City, makaraan ang desisyon ng DoJ panel.
Habang sinabi ni AFP spokesperson Brigadier General Restituto Padilla, “we will comply with the decision.”
Sinabi ni Captain Joann Petinglay, Armed Forces Western Mindanao Command spokesperson, ang mga inaresto noong 25 Hulyo ay hinihinalang naghahanda para tulungan ang Maute-ISIS terror group sa Marawi.
Ayon kay Petinglay, ang 32 ay inaresto sa military checkpoint sa Ipil, Zamboanga del Sur, habang ang 27 ay dinakip sa isang bahay sa Guiwan, Zamboanga City.
Ang mga inaresto ay nagsabing mga miyembro sila ng MNLF at patungo sa training sa Camp Jabalnur sa Lanao del Sur, para sa kanilang ‘integration’ bilang regular forces ng AFP.
Gayonman, sinabi ng militar na itinanggi ng MNLF ang kanilang kaugnayan sa grupo o ang training na itinakda sa Camp Jabalnur para sa bagong recruits.