KAMI man ay humanga sa tuloy-tuloy at walang sawang pagtulong ni Coco Martin. Kahapon, tumulong siya sa paggawa ng 36 kabahayan ng Gawad Kalinga Munting Pamayanan for the Blind sa Bgy. Escopa, Quezon City.
Kamakailan ay tinulungan din niyang mabuo ang library ng Paradise Farms Elementary sa San Jose Del Monte, Bulacan bukod sa pamamahagi ng school supplies sa mga mag-aaral doon.
Kaya naman hindi kataka-takang bumuhos ang pasasalamat at paghanda sa actor. Kasama ni Coco na gumawa ng bahay ang mga co-actor niya sa FPJ’s Ang Probinsyano na sina John Prats, Marc Solis, Lester Llansang, John Medina, Michael Roy Jornales, at Benj Manalo. Kasama rin nila ang mga staff ng Dreamscape Entertainment Inc..
Sa mga picture na nakita namin sa post ng kanyang manager na si Biboy Arboleda at publicist ng Dreamscape na si Eric John Salut, ipinakita na mismong si Coco at mga kasamahang artista at staff ng Dreamscape ang nagpipintura, nagbubungkal at nagpapala ng lupa at kung ano-ano pa.
“Ang lahat ng pamilya ay nagkakaroon ng pangarap na magkaroon ng sariling tahanan at ngayon unti-unti na pong natutupad ang ating pamngarap dahil magkakaroon na tayo ng sariling bahay. At ‘yon ay dahil po sa inyong lahat.
“Maraming-maraming salamat po sa inyo. At sana -marami pang mga tao, mga Filipino ang makakita nito para matulungan tayo. “Sana mabuksan pa ang kanilang puso at isipan nila para suportahan ang ganito kagagandang proyekto dahil isang malaking oportunidad. At sana hindi po rito lang natatapos sa tahanang ito (ang pagtulong) kundi sana po magkaroon din ng oportunidad na magkaroon ng trabaho para magdire-diretrso na magkaroon ng magandang kinabukasan ang bawat Filipino,” mensahe ni Coco sa mga tumulong at naroon sa paggawa nila ng bahay.
Ang naturang kabahayang ginawa para sa mga kapatid nating may iba’t ibang kapansanan. Bahagi rin ito sa proyekto ng FPJAP100 na ibinabalik ng programa ang pagtanaw ng utang na loob sa pagtangkilik at pagsubaybay dito.
GUJI LORENZANA, GINAMIT
ANG PERSONAL NA EXPERIENCE
PARA GUMAWA NG PELIKULA
NAKATUTUWA ang naikuwento ni Guji Lorenzana nang pumirma ito ng limang taong kontrata sa Viva Films ukol sa kung paano niya nakilala ang asawa at kung ano ang naging inspirasyon niya sa pagbuo ng pelikulang ginagawa nila sa kasalukuyan.
Sa kuwento ni Guji, hindi ito nahiyang ilahad na sa Tinder niya nakilala ang napangasawang si Cheska Nolasco. Aniya, napilitan siyang sumali sa naturang app dahil na rin sa buyo ng kanyang mga pinsan at matapos silang magkahiwalay ni Kay Abad.
“So, I’ll join Tinder. Gumawa ako ng profile and siguro ‘yung mga first swipe ko, ilang swipe lang, ‘yung wife ko agad ang nakilala ko,” pagbabahagi ni Guji.
Hindi naman naging madali para sa kanya na mapa-oo si Nolasco. “Actually hindi naman siya agad um-oo nang ayain kong mag-watch ng play. And hindi niya alam na artista ako. Parang noong nakita lang ng mga friend niya, roon lang niya nalaman na artista ako,” kuwento pa ni Guji.
Aminado naman si Guji na may naramdaman agad siya kay Nolasco nang makita niya iyon sa Tinder. At nang manood na nga sila ng Wicked ay doon nila nalaman na click pala sila. Isang interior designer si Nolasco at matagal bago nagka-boyfriend dahil masyadong focus noon ang dalaga sa kanyang trabaho. Dahil din sa buyo ng mga kaibigan at kapatid kaya gumawa rin ng account si Nolasco sa Tinder.
Ani Guji, masuwerte siya na nagkita sila sa Tinder ng kanyang napangasawa.
“Puwedeng sabihing success story ‘yung sa amin.
“When I joined, siyempre ‘yung isip ko sa Tinder was the same for good time lang, have fun, single na ako eh so maghahanap ako ng ibang girls.
“Very proud naman kami that we found love at Tinder,” sambit pa ni Guji na ikinasal kay Nolasco noong February 2016. At dahil successful ang kanilang love story dahil sa Tinder, naisip niyang gawing istorya iyon sa ipino-produce niyang indie film na sinisimulan na niyang i-shoot.
Anang actor, nais niyang ipakita na may maganda ring naitutulong ang Tinder tulad ng nangyari sa kanila ng kanyang asawa.
Bukod sa pagpo-produce ng pelikula, umaasa si Guji na magtutuloy-tuloy ang kanyang career ngayong nasa pangangalaga na siya ng Viva.