IPINADALA ng Sandiganbayan nitong Huwebes kay Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang CCTV footage, sinasabing makikita ang mga pulis habang nagre-repack ng shabu sa loob ng patrol car na nakaparada sa loob ng court compound.
Ang footage, makikita ang “possible illicit activity” ng mga pulis ay kuha sa loob ng Sandiganbayan premises mula nitong Martes ng gabi hanggang umaga nitong Miyerkoles.
“We are transmitting herewith a copy of the Court’s Closed Circuit Television (CCTV) footage taken from its premises on the evening of August 22, 2017, up to the early hours of August 23, 2017, which suggests possible illicit activity committed by members of the Philippine National Police inside their police patrol car, with body number QC 57,” ayon kay Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang sa kanyang sulat kay Dela Rosa.
Ang insidente ay naganap habang kasagsagan nang matinding pagkondena sa PNP bunsod nang pagpatay sa 17-anyos na si Kian Delos Santos sa anti-drug operation sa Caloocan City, nitong nakaraang linggo.
Nang itanong ng mga reporter kay Cabotaje-Tang kung maaaring maanood ang CCTV footage, siya ay tumanggi dahil iimbestigahan pa ito.
Ayon sa ulat, makikita sa CCTV footage ang mga pulis habang nagre-repack ng shabu sa loob ng kanilang sasakyan.
Nauna rito, sinabi ng Quezon City Police District, ang mga pulis ay kumakain lamang ng mani habang nagpapahinga sa loob ng Sandiganbayan parking lot, at sila ay nasuring negatibo sa shabu.