PORMAL na naghain ng kasong murder at paglabag sa Anti-Torture Law sa Department of Justice (DoJ) ang mga magulang ni Kian Loyd Delos Santos na sina Zaldy at Lorenza delos Santos, kasama sina Public Attorney’s Office chief, Atty. Persida Acosta, VACC chairman Dante Jimenez, at ang testigong si “Choleng” laban kina Caloocan City Police Community Precinct (PCP7) commander, Chief Inspector Amor Cerillo, PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, at PO1 Jerwin Cruz. (BONG SON)
NAGSAMPA ng kasong kriminal nitong Biyernes ang pamilya ng 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos sa Department of Justice laban sa mga pulis Caloocan na sangkot sa pagkamatay ng binatilyo sa isang anti-drug operation noong 16 Agosto.
Sa tulong ng Public Attorney’s Office (PAO), nagsampa ng reklamong “murder and torture of a minor leading to death” ang pamilya ni Delos Santos laban kina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, at PO1 Jerwin Cruz.
Kasama rin sa inireklamo ng murder si Caloocan City Police Community Precinct (PCP7) commander, Chief Inspector Amor Cerillo, supervisor ng tatlong pulis, at iba pang hindi kilalang indibidwal.
Ayon sa PAO, kasama si Cerillo sa reklamong pagpatay dahil sa ‘command responsibility.’
Kasama sa mga naghain ng reklamo sina Zaldy at Lorenza delos Santos, ang magulang ni Kian, at kanilang mga testigo.