MAHUSAY ang ‘intel’ ng nasibak na si Northern Police District director Chief Superintendent Roberto Fajardo. Siya ang hinihinalang utak ng maniobra para siraan ang pagkatao ng pinaslang ng tatlong pulis-Caloocan City na si Kian Lloyd delos Santos na pinagbintangan nilang drug courier base sa social media.
Ngising-aso pa si Fajardo nang sabihin sa media na hindi dapat ituring na “santo” ang 17-anyos na si Kian kaya dapat din siyang managot sa Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) lalo’t umamin na ang dalawang pulis na kumaladkad sa binatilyo bago pinagbabaril habang nakaluhod.
Pero sa pagdinig ng Senado noong Huwebes, biglang nagbago ang bersiyon ng mga pulis na kumaladkad kay Kian. Hindi raw si Kian ang kinaladkad nila kundi isang police asset na hindi naman nila maipresenta. Kinampihan rin sila ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na naggiit na isolated case lamang ang kaso ni Kian.
Maraming tinahi-tahing kasinungalingan sina Fajardo, dating hepe ng Caloocan City Senior Supt. Chito Bersaluna, at ang killer policemen na sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremiah Pereda at PO1 Jerwin Cruz para palabasing drug courier si Kian.
Daan-daan na rin ang kaso ng extrajudicial killings sa teritoryo ni Fajardo na laging ngising-aso kung mangatuwiran sa mga kabulastugan sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (Camanava) kaya dapat nang isa-isahin ng IAS ang lahat ng kaso sa distrito lalo ang isang mentally retardate na walang awang pinaslang matapos ituro ng isang kapitbahay na drug pusher.
Nagsalita na si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya naniniwalang drug courier si Kian batay sa ‘intel’ ni Fajardo at may komento na rin si Philippine National Police (PNP) Director General Ronald dela Rosa na kriminal ang mga pulis na pumapatay sa mga taong nakaluhod.
Pinakawastong ipabartolina kaagad nina Duterte at Dela Rosa ang tatlong pulis na pumaslang kay Kian. At pinakamabuting italaga niya sina Fajardo at Bersaluna sa Marawi City dahil kailangan ang ‘intel’ nila para tumahimik ang magulong lungsod.
ABOT-SIPAT – Ariel Dim Borlongan