PIRMADO na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Department Order na nagbabawal sa employers na pilitin ang kanilang mga empleyado sa pagsusuot ng high heels.
Ang order ay itinakda nang ilathala at magiging epektibo 15 araw makaraan ang publikasyon nito.
Sinabi ni Bello, ang order ay ipinalabas bilang tugon sa hinaing ng mall workers, partikular ang sales ladies na ‘required’ magsuot ng high heels habang nagtatrabaho sa loob ng walong oras o higit pa.
Gayonman, ang department order ay hindi malls lamang ang sakop dahil iuutos din itong ipatupad sa lahat ng mga industriya.
“Matagal na itong complaint, hindi lang nabibigyan ng pansin,” ayon kay Bello.
Ayon sa order, ang mga empleyado ay hindi na maaaring piliting magsuot ng sapatos na may heels nang mahigit sa 1 inch ang taas. Tanging 1-inch shoes na wedge type ang pinahihintulutan.
Ang mga employers ay inuutusan ding bigyan ang mga empleyado ng 15-minutes breaks makaraan ang dalawang oras na pagtayo.
Ayon sa Bureau of Working Conditions, ang sakit na nararanasan sa matagal na pagtayo habang nakasuot ng high-heeled shoes ay maaaring magdulot ng long term health problems at debilitating conditions katulad ng arthritis.