ANG avian influenza strain na kumalat sa poultry farms sa Pampanga at Nueva Ecija ay H5N6 na posibleng maihawa sa mga tao, ayon sa Department of Agriculture (DA) kahapon.
“Based po sa results from the Australian (testing), na-test na po ito for the N subtype and it was positive for the N6,” ayon kay Arlene Vytiaco, hepe ng Animal Disease Control Section ng DA’s Bureau of Animal Industry (BAI) sa press conference.
Sinabi ni Vytiaco, ang N6 substrain ay maaaring dumapo sa mga tao, ngunit mababa ang mortality rate.
“H5N6 ang sinasabi na puwedeng ma-transmit, pero po ang rate of transmission is very, very low talaga,” aniya.
Mula nang ma-detect ang strain noong 2013, tinatayang 20 katao lamang ang dinapuan. “Wala pa pong 20 ang namamatay and most of them were from China, exposed sa birds kasi they were working sa live bird markets,” aniya.
Ang bird flu ay maaari aniyang maihawa sa mga tao sa pamamagitan ng ‘direct contact.’
“Halimbawa, nahawakan mo ‘yung bird tapos natapunan ka ng secretion nila, kasi ang infectious will be respiratory secretion pati ang kanilang fecal material,” ayon kay Vytiaco.
“Puwede rin may contact ka sa mga materials na contaminated na sinasabi nating sources of infection,” aniya.
Maaari rin aniyang mahawa ang tao sa pamamagitan ng pagkakalanghap sa natuyong fecal material.
“Puwede rin kasi ang ipot, ‘pag natuyo sila, that becomes feather dust. So ‘pag ang infected bird nagpagpag siya ng wings niya o kaya nag-shake siya ng head niya wherein ‘yung mga nakakapit na mga dust pupunta sa environment, we can inhale that,” aniya pa.