NEGATIBO sa gunpowder nitrates ang pinaslang na binatilyong si Kian Loyd delos Santos, taliwas sa pahayag ng tatlong pulis na nagpaputok siya ng baril habang inaaresto sa anti-drug operation nitong nakaraang linggo sa Caloocan City.
Ayon sa resulta ng paraffin test sa katawan ni Delos Santos, “both hands of the cadaver do not contain gunpowder nitrates.”
“The qualitative examination conducted on the paraffin cast taken from both hands of the cadaver gave negative results to the tests for gunpowder nitrates,” ayon sa ulat mula sa Northern Police District Crime Laboratory Office.
Ang specimen na isinumite sa Crime Laboratory ay isang pares ng paraffin casts na kinuha mula sa dalawang kamay ni Delos Santos.
Ang 17-anyos na si Delos Santos, ayon sa pulisya ay natukoy na drug suspect, napatay noong gabi ng 16 Agosto, nang umano’y manlaban sa anti-drug operations.
Ayon sa mga pulis, pinaputukan sila ng binatilyo kaya gumanti sila ng putok na ikinamatay ng biktima.
Ngunit sa CCTV footage, nakitang kinaladkad ng mga pulis si Delos Santos, dinala sa isang lugar at pinaputukan, taliwas sa ulat na siya ay nakpagpalitan ng putok sa mga awtoridad.
Limang pulis, kabilang ang tatlong sangkot sa operasyon, ang sinibak sa kanilang puwesto habang iniimbestigahan ang insidente.
Rekomenda ng PNP-IAS
RESTRICTIVE CUSTODY
VS 13 CALOOCAN COPS
INIREKOMENDA ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP) na isailalim sa restrictive custody ang lahat ng 13 pulis na kabilang sa isinagawang anti-drug operation sa Caloocan City, upang maprotektahan ang mga testigo.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Attorney Alfegar Triambulo, isasailalim ang sangkot na mga pulis sa operas-yon, sa restrictive custody upang mahikayat na lumantad ang ibang mga testigo.
“Mas maganda kung restricted para lumabas ang mga testigo kung sino ang may alam at hindi sila natatakot at nadisarmahan na ang mga involved na pulis sa operation, at sila ay na-confine sa kampo at hindi maka-labas para matuklasan natin ang katotohanan at lumabas ang mga impormasyon.”
Ayon sa PNP- IAS findings, may ‘lapses’ sa police procedure sa na-sabing raid na ikinamatay ng 17-anyos na si Kian Delos Santos.
“Sinasabi nga natin ang trabaho ng pulis ay mang-aresto, ‘yan ang mission nila, ang mang-aresto. Dahil may namatay ibig sabihin, it appears na may lapses dahil may namatay. ‘Yan ay subject ngayon sa evidence,” punto ni Triambulo.
HATAW News Team