NANAWAGAN si Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” Goitia sa Malakanyang na gawan ng paraan ang panukalang re-alignment sa Section 2 ng Metro Manila Skyway Stage 3 (MMSS) Project para hindi makapaminsala sa Pasig at San Juan Rivers.
Sa kanyang liham kay Pangulong Rodrigo Duterte na pinadaan kay Executive Secretary Salvador Medialdea, unang idiniin ni Goitia na ang 118 vertical support beams o piers sa panukalang re-alignment ay ilalagay sa mismong mga ilog kaya makahaharang sa natural na daloy ng tubig.
“Mayroon rin river channelling at dredging sa konstruksiyon ng skyway na makadaragdag sa bulto ng latak at paglabo na makaaapekto sa kalidad ng tubig kapwa sa San Juan at Pasig Rivers,” ani Goitia na pangulo rin ng PDP Laban San Juan City Chapter.
Sinabi niya, batay sa pag-aaral mismo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagsagawa ng Review and Detailed Engineering Design of Comprehensive River Management for the San Juan River, ang proyekto ay magiging sanhi ng pagbaha sa 453 ektaryang mababang lugar sa mga lungsod ng Maynila, Mandaluyong at San Juan.
Idinagdag ni Goitia na hindi tutol ang PRRC sa flagship project ng pamahalaang Duterte ngunit dapat sumunod ang kompanyang gagawa ng proyekto sa maayos na environmental impact assessment (IEA) kahit pinagkalooban ng environmental compliance certificate (ECC) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
“Mandato ng PRRC ang rehabilitasyon at restorasyon ng Pasig River at karugtong na mga ilog, sapa at estero sa kondisyong magagamit ito sa transportasyon, libangan at turismo na lilikha ng maraming trabaho,” dagdag ni Goitia. “Kaya nakikipag-ugnayan kami sa kinauukulang mga ahensiya para matupad ang aming tabaho nang maayos bilang coordinating agency sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo.”