ARESTADO ang isang 28-anyos Chinese national sa follow-up operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Ermita, Maynila, makaraan ireklamo ng pagkidnap sa isang Korean national.
Ayon sa ulat ni MPD-General Assignment and Investigation Section (GAIS) chief, Insp. Joselito De Ocampo, kinilala ang suspek na si Gong Yu Gia, Chinese national, at tubong Fujian, China, nanunuluyan sa Pan Pacific Hotel sa Ermita, Maynila, positibong itinuro ng biktimang si Jung Jae Hoon, 39, ng Unit 2496 ng Le Mirage Condominium.
Napag-alaman, nakatakas ang biktima at mabilis na nagsumbong sa himpilan ng pulisya kaya agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Salaysay ng biktima, halos sampung araw siyang ikinulong at sinasaktan ng suspek sa iba’t ibang condominium sa nabanggit na lungsod.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, dinukot ng grupo ng suspek ang biktima noong 7 Agosto dakong 12:00 am sa loob ng isang kuwarto sa Pan Pacific Hotel nang hindi makapagbayad ng P600,000 halaga na utang kay Gong.
Sinabi ng biktima, nagpalipat-lipat ng condominum ang suspek upang masiguro na hindi sila matutunton ng sino man makaraan tawagan ni Gong ang pamilya ng biktima, at ipinatutubos ng P4-milyon halaga kapalit ng kalayaan ng Korean National.
Dagdag ng biktima, binugbog siya ng suspek at mga kasabwat nang lumipat ang grupo sa Bellagio Condominum. Naulit aniya ang pananakit sa kanya nang lumipat sila sa Unit 36D ng Robinsons Tower sa Ermita. Nahaharap sa kasong kidnapping, serious illegal detention, grave coercion at physical injury ang suspek.
(BRIAN BILASANO)