INATASAN ng Department of Justice (DoJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagkamatay ng 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos.
Sa department order na inisyu nitong Biyernes, inatasan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang NBI na imbestigahan at magsagawa ng case build-up sa pagkamatay ni Delos Santos, na napatay sa anti-illegal drugs operation sa Caloocan City nitong Miyerkoles.
Ang Grade 11 student na si Delos Santos ay napatay makaraan umanong paputukan ang mga awtoridad na gumanti ng putok sa biktima.
Sa surveillance footage, makikita ang dalawang pulis habang bitbit si Delos Santos sa lugar kung saan siya napatay.
Ayon sa testigo, binugbog ng mga pulis si Kian, binigyan ng baril at sinabing tumakbo saka binatil.
Nangako si Metro Manila police chief, Director Oscar Albayalde, ng impartial investigation sa pagkamatay ni Delos Santos.
HATAW News Team
KIAN ‘DRUG COURIER’
NG AMA, UNCLES
— DELA ROSA
INIHAYAG ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald dela Rosa, ang Grade 11 student na si Kian Loyd Delos Santos ay nagsilbing drug courier ng kanyang sariling ama at ilan niyang tiyuhin, base sa impormasyon mula sa hepe ng Caloocan City police.
Dagdag ni Dela Rosa, ayon sa impormasyon mula sa intelligence community, ang ama ni Delos Santos na si Saldy ay kilalang siga sa kanilang lugar, kaya takot ang mga residente sa kanilang barangay na magsalita laban sa kanila.
“Si Kian ay ginagamit ng kanyang ama. Ang ama niya mismo ang user, mga uncle ang mga pusher diyan at ginagamit si Kian na courier. Kaya nag-surface ang pangalan niya sa area mismo,” ayon sa PNP chief.
“Pati ang intelligence community natin na nagko-conduct ng operation plan sa Caloocan mismo, ang mga kapitbahay doon takot mismo na magsalita against sa kanila dahil kilalang siga ang ama pati mga uncle niyan, siga sa lugar. ‘Yan ang nasasagap ng ating intel operatives diyan sa area,” dagdag niya.
Gayonman, aminado si Dela Rosa sa resulta ng police operation, lalo na sa pagkamatay ng biktima.
Ngunit ang operasyon aniya ay lehitimo dahil may basehan sa alegasyon na si Delos Santos ay “source” ng ilegal na droga.
“Dismayed ako sa outcome ng operation, bakit napatay ang bata, pero hindi ako dismayed sa operation itself dahil meron naman talagang basehan ang operation na itinuturo talaga si Kian ay source ng droga doon sa area,” aniya.
Aniya, ang napatay na binatilyo ay biktima ng kanyang sariling ama at ang binatilyo ay may pag-asang magbago kung hinayaang mabuhay.
“Biktima lang ang bata at ginagamit ng ama. Bigyan siya ng pagkakataon na magbagong-buhay at matuto na mali ang ginagawa niya. Sumusunod siya sa utos ng kanyang pusher na ama. Bata pa, magbago pa ‘yan,” aniya.
KA-DEAL SA DROGA
NI KIAN INILABAS
INIHARAP sa mga mamamahayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo ang isang “tulak ng droga” na sinasabing nakakatransaksiyon ni Kian Lloyd Delos Santos, ang Grade 11 student na napaslang kamakailan sa operasyon ng pulisya.
Salaysay ng sinasabing drug pusher na si Renato “Nono” Loveras, dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo niya nakakatransaksiyon si Delos Santos.
Tahasang sinabi ni Loveras, ang 17-anyos na binatilyo mismo ang nag-aabot sa kanya ng shabu na galing sa isang Neneng Escopin.
“Bale kapag confirmed na ang order, iaabot na ni Kian sa akin. Iaabot ko sa kanya ang bayad,” ani Loveras.
Dagdag niya, runner din ni Escopin ang dalawa pang menor de edad bukod kay Delos Santos.
Napatay ng mga pulis si Delos Santos nitong Miyerkoles ng gabi makaraan umano silang paputukan ng binatilyo sa Brgy. 160, Caloocan.
Ngunit lumutang ang ilang testigo at sinabing binugbog ng mga operatiba ang teenager bago binigyan ng baril, inutusang tumakbo saka binaril.
Iniharap ng PNP-Caloocan si Loveras nitong Linggo ng madaling-araw.
Inilabas din ng pulisya ang isang ama at kanyang 17-anyos anak na nahuli sa drug buy-bust operation nitong Sabado.
“Nagsagawa ng drug ops ang operatives natin at itong si minor ang nag-abot ng drugs, tumakbo nang malamang pulis. Nagagamit talaga sa pagiging courier at runner na rin,” ani Chief Insp. Ilustre Mendoza ng PNP-Caloocan.
Samantala, hindi kombinsido ang pamilya Delos Santos sa timing ng pagkakahuli sa menor de edad at paglabas ni Loveras.
“Bakit ngayon lang lumabas? E antagal nang nahuli niyan,” ani Randy Delos Santos, tiyuhin ng napaslang na binatilyo.
Pinaplano ng pamilya kung kailan ililibing ang teenager na pangarap sanang maging pulis.
MURDER CASES
SA QC TUMAAS
SA DRUG-RELATED
KILLINGS
INIHAYAG ni Quezon City Police District (QCPD) chief, Director Guillermo Eleazar, ang pagtaas ng bilang ng murder cases sa lungsod ay dahil sa drug-related deaths.
“Kung ico-compare sa previous year, talagang tumaas siya [murder]. Pero ang tinitignan namin ay ang tumaas ay yung mga drug-related murder cases,” pahayag ni Eleazar.
Ang ipinaliliwanag ng QCPD chief ay hinggil sa halos 100 porsiyentong pagtaas ng bilang ng murder cases na naitala mula Hulyo 2016 hanggang Hunyo 2017.
Aniya, ang murder cases ay iklinasipika bilang drug-related, suspected drug-related, at non-drug-related.
“So while it is true na pangkalahatan, bumaba ng 37 percent yung lahat ng mga index crimes, but still among these eight focus crimes, itong murder lang ang tumaas,” aniya.
Gayonman, ani Eleazar, sa pangkalahatan, ang “peace and order situation” sa lungsod ay bumuti mula Hulyo 2016 dahil bumaba ang bilang ng mga kaso sa pitong iba pang focused crimes.
Ang focused crimes, bukod sa murder, ay kinabibilangan ng homicide, robbery, theft, carnapping, motorcycle theft, physical injuries at rape.
“Ito kasing mga focused crimes, ito kasi ang parang reflection ng peace and order natin. So makita natin na yung 37 percent na pagbaba napaka-unprecedented nun, nakapaganda,” aniya.
“Sa peace and order, admittedly nag-improve naman, except for murder. At yung murder, nakita naman natin na most of them are involved sa drugs,” dagdag niya.
Ngunit ang pagtaas ng bilang ng murder cases ay dapat pa rin aniyang tugunan ng QCPD.
“Ang ginagawa natin ay katulad nung sa Lambat Sibat. We are assessing the circumstances ng mga cases na ito, kung saan nangyari, anong oras. May intervention na gagawin like, more visibility sa mga areas na yun,” aniya.
“‘Yung focus, para sa prevention. Doon sa mga nangyari na, mag-exert ng effort para ma-resolve para malaman kung sino ang perpetrator so we can bring them to justice,” aniya pa.