MATAGAL na ring narito sa Pinas si Michael Craig at muntik pa nga nitong palitan si Joshua Smith bilang import ng TNT Katropa sa best-of-seven Finals ng nakaraang PBA Commissioner’s Cup nang ito ay magtamo ng foot injury.
Pero hindi iyon nangyari. Sa halip ay pinanatili ni coach Nash Racela, ang serbisyo ni Smith at nabigo pa rin silang talunin ang San Miguel Beer na siyang nagkampeon.
Aba’y kung si Craig ang pinaglaro ng Tropang Texters, siguradong talo rin sila.
Kasi ay sinibak na ng TNT Katropa si Craig matapos lang ang tatlong laro sa kasalukuyang Governors Cup. Pinarating ng Tropang Texters bilang kapalit si Glen Rice, Jr.
NBA veteran ang erpat nitong si Glen Rice na naglaro sa Miami at sa Los Angeles Lakers. Ang saya sana kung yung tatay mismo ang naglaro sa PBA noong kabataan niya, hindi ba?
Pero malay naman natin na nagmana ang junior sa senior.
E di makikita natin ang pag-usbong ng panibagong alamat.
Pero back to imports, ang tanong ay bakit kinailangan pa ng TNT Katropa ng napakahabang panahon para pagdesisyunan na hindi karapat-dapat si Craig para sa kanila? Kung hindi pa sila muntik na masilat ng Alaksa Milk sa kanilang huling laro ay hindi pa nila ito paaalisin,
E dapat ay noon pang umpisa ng torneo sila nagdesisyon,
Ang problema ay tila hit and miss ang TNT Katropa sa pagkuha ng import. Dinadaan sa paramihan.
Aba’y sa nakaraang Commissioners Cup ay nakaapat silang import. Nagsimula kay Denzell Bowles na dumating pero hindi nakapaglaro ni isang game. Pagkatapos ay si Lou Armundson na nakadalawang games. Pinalitan siya ni Donte Greene na hinalinhan ni Smith. E nagparating pa nga ng ikalimang import ang TNT pero hindi na ginamit.
Ang tanong ay kung ilang imports ang kukunin ng Tropang Texters sa Governors Cup sa paghahanap na tama?
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua