NAPAGKAMALAN lang, ito ang paliwanag ng mga kaanak ng isang lalaking sinasabing may diperensiya sa pag-iisip na napatay ng mga pulis sa isang operasyon kontra ilegal na droga kamakailan.
Napatay si Leover Miranda, 39, makaraan umanong manlaban habang inaaresto ng mga pulis malapit sa kanyang bahay sa Quezon City noong 3 Agosto.
Wala sa drug watchlist si Miranda, ayon sa kanyang pamilya.
Imposible rin anilang nagtutulak siya ng droga dahil nalugmok sa depresyon mula nang iwan ng asawa, sabi ng kanyang ina na si Elvira.
Ikuwento rin ni Elvira kung paano napaslang ng mga pulis ang anak.
“Tinawag po kami ng pulis kasi may operation daw po sila. Sumisigaw iyung anak ko ng ‘Inay, inay.’ Hindi ko marinig, tapos narinig ko na lang sa labas ng bahay niya, putok na lang, putok, putok nang putok,” kuwento ng ginang habang tumatangis.
“Sabi ko na lang po, ‘Ang anak ko, baka hindi nila alam na may sira sa ulo iyon.’”
Gayonman, hindi magsasampa ng kaso ang pamilya ni Miranda sa takot na balikan sila ng pulis.
Nanawagan ang pamilya na matigil na ang patayan sa ilalim ng kampanya ng gobyerno laban sa bawal na gamot.
“Sana mahinto na ang ganyang patayan,” ani Peregrine Santos, anak ni Miranda.
Inilibing si Santos sa Manila North Cemetery nitong Linggo. Sinabayan ito ng protesta ng mga aktibistang tutol sa giyera ng pamahalaan kontra droga.
“Ang pangunahing nagiging biktima ay mahihirap at maliliit. Kaugnay niyan, hindi kami papayag na mananaliting walang katarungan ang mga biktima,” ani Banjo Cordero, spokesperson ng Stop the Killings Network.
Muling magsasagawa ng protesta ang grupo ngayong Lunes sa Brgy. 160, Caloocan, lugar na pinagpaslangan sa 17-anyos na si Kian delos Santos sa hiwalay na operasyon ng pulisya.