NATUWA kami na hindi pa rin nagbabago ang isang Katrina Paula. Kung ano ang pagkakakilala namin sa kanya noon, ganoon pa rin siya. Wala pa ring inhibition sa katawan kahit sabihin pang maganda na ang katayuan niya sa buhay at nakapagpatapos ng anak sa kolehiyo.
Tahimik nang namumuhay ngayon si Katrina hanggang mapili siya ng organizer ng Mrs. Queen of VOAA Philippines para i-represent ang bansa sa gaganaping international beauty pageant sa Japan sa September 4.
Ayon kay Katrina, naging basehan sa pagpili ang pagiging mabuting ina niya sa apat na anak na naitaguyod niya ang pag-aaral kahit pa siya ay isang single parent.
“Pero siyempre, dapat maganda ka rin, sexy, kaya lang medyo tumaba ako. Pero ang importante talaga is kung ano ‘yung nagawa ko sa mga anak ko,” aniya nang makahuntahan namin sa isang simpleng presscon na ipinatawag ng kanyang kaibigang si Benny Andaya.
Nakapagtapos na ang panganay ni Katrina at isa ng babaeng piloto. Graduating naman ang ikalawa niyang anak na babae sa Pamantasan Ng Lungsod ng Maynila at ang dalawang lalaki niya ay parehong nag-aaral din sa sekondarya at elementarya.
Masaya si Katrina na napili siya para labanan 48 candidates mula sa iba’t ibang bansa sa Mrs. Queen of VOAA Universe. Hindi rin siya natatakot na makipagtunggali sa mga ito sa question and answer kahit Ingles pa iyon dahil katwiran niya, pinaghahandaan niyang mabuti.
“Nagpapaturo ako sa mga anak ko kung paano sumagot ng tama. Kasi sobrang, ito na talaga ako, eh. Hindi ko kayang magpa-cute. So, nagpapaturo ako sa mga anak ko kung paano ‘yung tamang pagsagot. Nanonood din ako palagi ng Ms Q and A sa It’sShowtime.
“Pati yung lakad din kung kani-kanino akong beauty queen nagpapaturo. Kay Alma Concepcion nagpaturo akong maglakad. Sabi niya, isipin ko lang na bakla ako tapos nakaangat ‘yung balikat ko.”
Kasi nakakahiya naman magpaturo kay Pia Wurtzbach, ‘di ba? Nakakahiya naman. Hahaha!”pagbibiro nito.
giniit pa ni Katrina na hiniling niyang magkaroon siya ng interpreter sa Q and A. ”Sabi ko talaga, dapat may interpreter para sasagutin ko ng Tagalog. Kasi mahirap mag-pretend, eh, na Ingles-Inglisan, eh, ‘di naman ako marunong sa Ingles, ‘di ba?”
nihalimbawa rin ni Katrina na kaya niyang harapin ang beauty contest na ito tulad ng pagharap niya sa maraming unos na dumating sa kanyang buhay.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio