INIHARAP sa mga mamamahayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo ang isang “tulak ng droga” na sinasabing nakakatransaksiyon ni Kian Lloyd Delos Santos, ang Grade 11 student na napaslang kamakailan sa operasyon ng pulisya.
Salaysay ng sinasabing drug pusher na si Renato “Nono” Loveras, dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo niya nakakatransaksiyon si Delos Santos.
Tahasang sinabi ni Loveras, ang 17-anyos na binatilyo mismo ang nag-aabot sa kanya ng shabu na galing sa isang Neneng Escopin.
“Bale kapag confirmed na ang order, iaabot na ni Kian sa akin. Iaabot ko sa kanya ang bayad,” ani Loveras.
Dagdag niya, runner din ni Escopin ang dalawa pang menor de edad bukod kay Delos Santos.
Napatay ng mga pulis si Delos Santos nitong Miyerkoles ng gabi makaraan umano silang paputukan ng binatilyo sa Brgy. 160, Caloocan.
Ngunit lumutang ang ilang testigo at sinabing binugbog ng mga operatiba ang teenager bago binigyan ng baril, inutusang tumakbo saka binaril.
Iniharap ng PNP-Caloocan si Loveras nitong Linggo ng madaling-araw.
Inilabas din ng pulisya ang isang ama at kanyang 17-anyos anak na nahuli sa drug buy-bust operation nitong Sabado.
“Nagsagawa ng drug ops ang operatives natin at itong si minor ang nag-abot ng drugs, tumakbo nang malamang pulis. Nagagamit talaga sa pagiging courier at runner na rin,” ani Chief Insp. Ilustre Mendoza ng PNP-Caloocan.
Samantala, hindi kombinsido ang pamilya Delos Santos sa timing ng pagkakahuli sa menor de edad at paglabas ni Loveras.
“Bakit ngayon lang lumabas? E antagal nang nahuli niyan,” ani Randy Delos Santos, tiyuhin ng napaslang na binatilyo.
Pinaplano ng pamilya kung kailan ililibing ang teenager na pangarap sanang maging pulis.