UMABOT sa 120 katao ang hinuli ng mga pulis sa One Time Big Time operation sa Pasig City, karamihan ay mga tambay sa kalsada na walang pang-itaas na damit, ayon sa tala ng Pasig Philippine National Police (PNP).
Ang mga nabanggit ay inaresto simula nitong gabi ng 19 Agosto hanggang umaga ng 20 Agosto, dahil sa paglabag sa iba’t ibang ordinansa ng lungsod. Umabot sa 82 ang dinakip dahil walang suot na damit pang-itaas.
Sumunod ang mga umiinom at naninigarilyo sa kalye. Mayroon ding mga nahuling nagsusugal.
Kabilang sa mga nahuli ang 14 sangkot sa droga at isang menor-de-edad na may sukbit na kalibre .45 baril.
Aminado ang ina ng menor-de-edad na si alyas Joan, na tatlong beses nang nahuli ang kanyang anak, dahil sa kasong pagnanakaw.
“Dala na rin sa kahirapan ng buhay kaya nagagawa ng anak ko ‘yun. Pinagsasabihan ko po ayusin ang sarili niya. Banned siya sa lugar namin, ‘yung kamay niya malikot,” ani alyas Joan.
Ayon sa Pasig PNP, malaki na ang ibinaba ng insidente ng krimen sa lungsod.
Ngunit madalas anilang kuta ng mga drug addict at holdaper ang Brgy. Pinagbuhatan, Manggahan at Rosario, na tinututukan ng pulisya.