APAT na beses nang nagbabalik-balik si Coco Martin sa Paradise Farm Elementary School pero parang laging ito ang unang pagpunta roon ng actor. Paano’y laging excited ang mga mag-aaral doon na kahit Bulacan Day ay pumasok sila para makita ang minamahal nilang si Coco. Ang iba ay nakasuot pa ng Lab Ako Ni Kuya Coco T-shirt.
Abot-langit nga ang pasasalamat nila dahil madalas ilang binibisita ng Primetime King. Kaya naman agad sila natanong ng magaling na actor kung nag-aaral sila ng mabuti.
Magiliw namang sumagal ang mag-aaral at sabay-sabay na sinabing, ”opo.”
Tinanong din ng actor kung nagdarasal lagi ang mga ito at muling sumagot ang mga ito ng ‘opo’.
Ani Coco, kaya siya naroon sa kanilang eskuwelahan ay para magpasalamat sa mga magulang nila na walang sawang gumagabay sa kanila gayundin sa mga gurong nag-aalaga at nagmamahal sa kanila.
“Kaya sana hangad ko ay makatulong ako sa inyo kahit paano para magkaroon kayo ng magandang kinabukasan. At maraming, maraming, maraming salamat sa pagmamahal niyo sa akin dahil sobrang mahal na mahal ko kayo. I love you,” anang actor na sinagot naman ng mga bata ng, ”I love you too.”
Pagkaraan ng magandang mensahe ni Coco, nagkaroon ang Hari ng Pelikula ng photo-op kasama ang mga estudyante, guro, at mga magulang. Sinundan ito ng gift-giving ng mga school supplies na mismong inabot sa kanila ni Coco sa tulong ng mga staff ng Dreamscape Entertainment at Lingkod Kapamilya.
At siyempre, umuwi ring buso ang lahat ng bata.
Bukod dito, pinuntahan din ni Coco ang bagong library ng Paradise Farm na tinulungan niyang gawin. Ayon sa isang guro na si Ms. Joy Lucas, muntik nang hindi matuloy ang pagpapagawa ng library pero dahil kay Coco, natuloy ang pagpapagawa niyon na napakalaki ng naitulong sa mga mag-aaral.
Basta isa lang ang paalala ni Coco sa mga bata, ”Basta importante, mag-aral kayo ng mabuti dahil kayo ang aasahan ng inyong pamilya. Kayo ang tutulong sa ating bansa para makabangon muli.”
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio