PATAY ang isang babaeng barangay kagawad ng Tondo, Maynila, habang sugatan ang dalawa niyang kasama makaraan pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang riding-in-tandem sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Hindi umabot nang buhay sa ospital si Kagawad Mildred Cabal, 45, residente sa Fermin Tubera St., Brgy. 254, Tondo, Maynila, habang ang kanyang driver na si Aurelio Enriquez, 47, taga-Bambang St., Sta. Cruz, Maynila, at isang Vilma Santos, kalugar ni Cabal, ay patuloy na inoobserbahan sa pagamutan.
Ayon kay Valenzuela deputy police chief for operation, Supt. Rey Medina, dakong 4:50 pm, sakay ang mga biktima sa isang Mitsubishi Adventure (CTH-901), kasama sina Shzenell Peña, Angelo Dela Cruz at Shiela Marie Dancel, at binabagtas ang Paso de Blas Road, Valenzuela City, nang harangin sila ng dalawang motorsiklo sakay ang mga suspek at sila’y pinagbabaril.
Pagkaraan ay tumakas ang mga suspek patungong San Diego St., Canumay West, habang inihinto ni Enriquez ang sasakyan sa harap ng Security Bank at humingi ng tulong sa security guard.
Ayon kina Valenzuela police homicide investigators PO3 Robin Santos, at PO2 Mark Gil Bolanio, ang mga biktima ay pauwi na makaraan nilang sunduin si Dela Cruz sa Valenzuela police station matapos magpiyansa nang arestohin dahil sa pagmamaneho nang walang lisensiya.
(ROMMEL SALES)
17-ANYOS
BINATILYO
UTAS SA PULIS
PATAY ang isang 17-anyos binatilyo makaraan umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Agad binawian ng buhay si Kian Lloyd Delos Santos, residente sa Block 8, Lot 28, Libis, Baesa, Brgy. 160, sanhi ng mga tama ng bala sa katawan. Narekober mula sa kanya ng pulisya ang .45 pistola at dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu.
Ayon kay Caloocan police chief, Senior Supt. Chito Bersaluna, dakong 8:45 pm, nagsagawa ang mga operatiba ng Police Community Precinct (PCP) 7, ng One Time Big Time operation sa Libis, Baesa.
Ngunit nang mapansin ng suspek ang mga pulis ay nakipagpalitan siya ng putok sa mga awtoridad na nagresulta sa kanyang pagkamatay.
(ROMMEL SALES)
2 BAGETS,
2 PA TIMBOG
SA BUY-BUST
SA TAGUIG
ARESTADO ang apat na magkakaanak, kabilang ang dalawang menor de edad, sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Taguig City Police, at nakompiska ang tinatayang aabot sa 1.25 kilo ng hinihinalang shabu, mga bala, at replica ng baril nitong Miyerkoles ng hapon.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director, Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., ang mga suspek na sina Ibrahim Salba, 23; D’non Abas Kadatuan, alyas Dave, 14; at alyas Jason, 13, ng Road 15, Maguindanao St., New Lower Bicutan,Taguig City.
Ang mga suspek ay dinakip sa buy-bust operation sa Road 15, Maguindanao St., New Lower Bicutan, ng nasabing siyudad dakong 4:00 pm.
(JAJA GARCIA)