NASAGIP ng pulisya ang 27 menor-de-edad mula sa dalawang KTV bar sa Tondo, Maynila, nitong Miyerkoles ng gabi.
Ayon sa ulat, sinalakay ng police Anti-Human Trafficking Division ang mga naturang lugar dahil sa impormasyong sangkot sa flesh trade.
Ayon sa isang dayuhan, ibinibenta rito ang mga babae sa mga parokyanong dayuhan o negosyanteng Filipino sa halagang P2,000 hanggang P3,000. Umaabot ang presyohan sa P40,000 kung mas bata ang biktima.
Nakompirma ng pulisya ang impormasyon sa pamamagitan ng surveillance at entrapment operation, ani Senior Supt. Villamor Tuliao, hepe ng Women’s and Children Protection Center.
Nailigtas ang 15 kabataan mula sa KTV bar sa Juan Luna St., habang nasagip ang 12 pang dalagita sa Road 10.
Arestado ang apat kababaihang hinihinalang nagbubugaw sa mga dalagita.
Kinilala ang isa sa mga suspek na si Rhodora Alonzo. Hindi itinanggi ni Alonzo ang alegasyon laban sa kanya, inaming ginagawa niya ito para kumita.
“Nambubugaw ng bata [dahil] sa hirap ng buhay. Hindi namin sila pinipilit. Alam nila,” pahayag ni Alonzo.
Isinalang sa medical examination ang mga biktimang idaraan sa counseling upang maihanda sa pagbabagong buhay.
Samantala, inihahanda na ang isasampang kasong human trafficking laban sa mga bugaw.