UMABOT sa 25 katao ang napatay sa magkakahiwalay na anti-crime raids sa Maynila nitong Huwebes, halos 24 oras makaraan ang anti-drug operations na nagresulta sa pagkamatay ng 32 katao sa lalawigan ng Bulacan, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Sinabi ni Supt. Erwin Margarejo, Manila Police District spokesman, nagsagawa ang mga pulis ng 18 operasyon sa Maynila na nagresulta sa pagkamatay ng 26 katao.
Ang operasyon ay isinagawa mula 7:00 am nitong Miyerkoles, 16 Agosto, hanggang 7:00 am nitong Huwebes, 17 Agosto, aniya.
“Sa ngayon po, mayroon pang iniimbestigahan ang Manila Police District Homicide Section at hindi po ako mag-speculate, maaari pong tumaas pa ‘yung aming resulta sa isinasagawang anti-drug campaign ng Manila Police District,” pahayag ni Margarejo.
Gayonman, inilinaw ni Chief Supt. Joel Coronel, MPD District Director, ang ika-26 napatay ay murder victim at ang kanyang pagkamatay ay walang kaugnayan sa alin mang police operation.
Napag-alaman, sa 25 napatay, 14 dito ang drug suspects habang ang 11 ay robbery suspects.
Habang 48 suspek ang inaresto sa nasabing operasyon ng mga awtoridad.
Nitong Miyerkoles, pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anti-drug raids sa Bulacan na nag-iwan ng 32 patay.
Aniya, ang gobyerno ay handa pang pumatay sa lehitimong police operation “if this will reduce what ails the country.”
“Makapatay lang tayo ng mga another 32 everyday then maybe we can reduce what ails this country,” aniya.
Ang mga pagsalakay sa Maynila ay isinagawa sa Tondo, Ermita, Malate, Sta. Cruz, Pandacan, Sampaloc, Sta. Ana, at Sta. Mesa.
Sinabi ni Margarejo, kahit hindi iyon binanggit ng Pangulo, ang MPD at iba pang police district sa Metro Manila ay ipagpapatuloy ang One Time Big Time operations laban sa illegal drugs.
“Nagkataon lang po na ngayong araw na ito ay umabot sa 26 ang na-neutralize ng operatiba ng Manila Police District,” aniya.
BULACAN ‘DI TITIGIL
SA OPERASYON
KONTRA DROGA
HINDI ititigil ng Bulacan Police Provincial Office ang kanilang maigting na kampanya laban sa anti-illegal drugs na namamayagpag sa ilang bayan sa lalawigan.
Sa katunayan, ang Bulacan PPO ang napaulat na nangunguna sa buong Region 3, sa kampanya ng pulisya kontra ilegal na droga.
Ayon kay Bulacan PPO director, S/Supt. Romeo Caramat, ginagawa nila ang dapat lalo na sa pagsugpo ng ilegal na droga.
Dagdag ni Caramat, mandato nila na sugpuin ang operasyon ng ilegal na droga sa kanilang nasasakupan at hindi niya kayang garantiyahan na wala nang mangyayari pang bloody encounter sa mga susunod na araw.
Giit ng opisyal, ipagpapatuloy nila ang paglulunsad ng One Time Big Time operations sa buong lalawigan.
Aniya, ang operasyon simula noong Lunes na 32 drug suspects ang patay, ang pinakamaraming bilang kaya inaasahan nila na maraming magdududa.
Ang Bulacan PPO ay nakapagtala ng 425 patay sa kanilang anti-illegal drug campaign simula noong 1 Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2017.
Tiniyak ni Caramat, lehitimo ang kanilang operasyon kung kaya’t hindi sila nababahala.
“We have mandate to eliminate illegal drugs in our AOR and Bulacan PPO will not stop in their mandate to stop illegal drugs, so I cannot say as of this time but for sure continous ‘yung operations namin sa Bulacan PPO,” pahayag ni Caramat.
(MICKA BAUTISTA)