UMABOT sa 23 hinihinalang drug users ang napatay sa magkakahiwalay na anti-drug operations ng pulisya ng Bulacan, mula nitong Lunes ng gabi hanggang kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga napatay ay kinilala sa mga alyas na Egoy, Tom, Enan, Justin, Berth, Alvin, Chris, Jerom, Yayot, Allan Tato, Arnold, Willy, Jeffrey, Eugene, Macoy at Pugeng Manyak.
Ayon kay Senior Supt. Romeo Caramat, Bulacan police director, lahat ng mga napatay ay pumalag at lumaban sa mga pulis.
Dagdag ni Caramat, ang nasabing one time big time operations, kinabibilangan ng 26 buy-bust operations at dalawang pagsisilbi ng search warrant, ay nagresulta sa pagkakadadakip ng 64 drug suspects.
Narekober sa nasabing mga operasyon ang 100.5 gramo ng shabu, 167 revolver, dalawang improvised shotgun, isang 9mm. pistol at caliber .32 pistol.
Samantala, nakatakdang imbestigahan ng PNP Internal Affairs Service ang nasabing insidente upang matukoy kung may paglabag sa isinagawang operasyon.
Naitala ang mga nasabing operasyon sa mga bayan ng Malolos, San Jose del Monte, Marilao, Guiguinto, Sta. Maria, San Miguel, Norzagaray, Obando, Pulilan, Balagtas, Plaridel, Baliwag, Hagonoy, Bustos at Bulakan, Bulakan, at Bocaue.
nina MICKA BAUTISTA/DAISY MEDINA