NAKOMPISKA ng mga awtoridad ang ilang bala ng baril mula sa isang 83-anyos lolo, at isang babae sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), nitong Linggo.
Unang nakuhaan ng bala sa bulsa ang senior citizen na si Bencaben Tomacas nang dumaan sa x-ray machine ng NAIA. Pasahero siya ng Cebu Pacific at biyaheng Cagayan de Oro.
Samantala, maghahatid ng pasahero si Jenevie Eroy Ango nang ma-detect ang bala sa kanyang wallet sa Gate 6 ng departure security checkpoint.
Paliwanag nina Tomacas at Angot, dinala nila bilang anting-anting ang mga bala. Wala rin anila silang masamang intensiyon. Hindi inaresto ang dalawa, ngunit dumaan sila sa mabusising dokumentasyon bago pakawalan. Sa ilalim ng bagong patakaran ng NAIA, hinahayaan ang mga pasahero na makasakay sa kanilang flight kung mahuhulihan ng isa o dalawang bala makaraan maitala ang insidente. Ito ay upang maiwasan ang pangingikil sa ilalim ng “laglag-bala” scam, na tinataniman ng bala ng ilang tiwaling kawani ang mga pasahero.