TULAD ni PNP chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa, ang mithiing tapusin ang problema sa ilegal na droga ay siya ring layunin ni Valenzuela chief of police (COP) Supt. Ronaldo Mendoza.
Kasama ang ilang beteranong mamamahayag, nakausap ko si Mendoza at mahinahon na ipinaliwanag ang kanilang kampanya laban sa droga. Sa gitna ng pagpapaliwanag ni Mendoza, tumimo kaagad sa akin ang kanyang sinabing, “marami ang nahuhuli, marami ang namamatay pero balik pa rin sila sa droga!”
Paniwala ni Mendoza, mahalaga ang tinatawag na drug awareness campaign, kanilang bigyang pokus din ang information drive sa mga komunidad para malaman ang masamang epekto na dulot ng droga.
Hindi na rin kasi matatawaran ang kanilang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot. Batay sa datos ng PNP Valenzuela City, may kabuuang 25 indibidwal ang napapatay habang isinasagawa ang police operations simula nang ilunsad ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang kampanya noong 1 Hulyo 2016, hanggang nitong 8 Agosto 2017.
Umabot din sa 1,696 indibidwal ang arestado at 19,237 ang sumuko. Ang bilang ng mga ‘kinatok’ sa kanilang mga bahay ay 15,236 at ang bilang ng operasyong inilunsad ng Valenzuela PNP ay 711.
May punto si Mendoza nang kanyang sabihin na ang tagumpay ng kampanya laban sa droga ay nakasalalay rin sa mga responsableng indibidwal sa kanila-kanilang komunidad para tulungan ang lokal na pamahalaan at kanilang pulisya para masawata ang ipinagbabawal na gamot sa kanilang lugar.
Sa pamamagitan ng pagbubuo ng MATYAG o Mamamayan Tapusin ang pagkagumon sa Droga, maraming volunteers ang ipinakalat sa 36 barangay ng Valenzuela para tukuyin ang mga indibidwal na gumagamit at nagtutulak ng ipinagbabawal na shabu.
Pero bakit nagiging bagsakan ng malalaking bulto ng shabu at laboratoryo ng shabu ang Valenzuela City? Ang lungsod kasi ay isang industrial city na napakaraming warehouses kompara sa iba pang mga siyudad sa Metro Manila.
Ayon kay Mendoza, paborito ng mga drug lord ang Valenzuela City dahil mayroong 1,500 warehouses ang kanilang siyudad. Ang lokal na PNP ang nakatutok sa street pushing at ang kanilang puwersa ay hindi sasapat kung tututukan ang mga high value target na drug pusher.
Mukhang talagang kailangan ng PNP sa Valenzuela ang tulong mula sa mamamayan. Iba pa rin kasi kung may partisipasyon ang mga sibilyan dahil sila mismo ang nakalubog sa kanilang mga barangay.
Magkagayonman, bow pa rin tayo kay Col. Mendoza, sir!
SIPAT – Mat Vicencio